ILOCOS SUR, Philippines – Patay ang isang 52-anyos na sundalo matapos makaramdam ng biglaang paghinto ng pagtibok ng kanyang puso (cardiac arrest) habang nagmamaneho ng motorsiklo sa barangay road ng Brgy. Pantay, Fatima, Vigan City ng lalawigang ito nitong umaga ng Linggo, Mayo 3.
Ayon sa Vigan CPS, ang biktima ay miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP), nakadestino sa 5th Military Intelligence Battalion, 5th STAR Infantry Division, may asawa, residente ng Brgy. Pantay Fatima, Vigan City, Ilocos Sur.
Sinabi ng misis ng biktima na umalis ng bahay ang kanyang mister na nakasakay sa kanyang Honda XRM motorcycle.
Isang tricycle driver ang nakakita sa biktima na biglang nawalan ng malay habang nagmamaneho.
Dahil dito, agad na humingi ng police assistance ang tricycle driver para masaklolohan ang biktima.
Ang biktima ay agad na isinugod sa ospital ng mga rumespondeng CDRRMO personnel.
Gayunman, ang biktima ay idineklarang dead on arrival ng umatending doktor. Rolando S. Gamoso