MANILA, Philippines – Ikinuwento ni dating Ilocos Sur governor Chavit Singson nitong Lunes na ang 5,500 flood control projects na nauna nang binanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay umano’y “ghost projects” o hindi totoong proyekto.
Sa isang media briefing sa Quezon City, sinabi ni Singson na inikot niya ang iba’t ibang bahagi ng bansa at nakausap ang mga lokal na opisyal, ngunit wala raw siyang nakitang ganitong bilang ng proyekto.
“Wala pong flood control projects na 5,500 na sinabi ni BBM (Marcos). Inikot ko na ang buong Pilipinas… at sinasabi nila wala namang 5,500 na proyekto,” ani Singson.
Tinutukoy niya ang pahayag ni Marcos sa 2024 State of the Nation Address na may 5,500 flood control projects umano na natapos bilang paghahanda sa malalakas na ulan at La Niña.
Ayon pa kay Singson, nakipag-ugnayan siya sa mga local government officials at may mga proyekto raw na wala naman talaga o hindi umiiral.
Sinabi rin niya na nakipag-ugnayan siya kay Senador Panfilo “Ping” Lacson para maghain ng affidavit at ebidensya sa Senate Blue Ribbon Committee, ngunit nakansela umano ang hearing.
“Naka-ready ang affidavit ko. Nandoon na ako noon. Walang tao sa Senate,” aniya.
Dagdag pa niya, nawawalan na raw siya ng pag-asa na makapagsalita sa Senado dahil tila ayaw umano nilang marinig ang kanyang sinasabi.
“Nakausap ko halos lahat… at sinasabi nila wala namang 5,500 na proyekto,” ani pa niya. RNT/MND