Home NATIONWIDE Sundalong iniuugnay sa pagpatay sa 2 barangay official sa Cotabato, sumuko

Sundalong iniuugnay sa pagpatay sa 2 barangay official sa Cotabato, sumuko

1
0

MANILA, Philippines – Sumuko nitong Sabado, Oktubre 24, ang isang sundalong itinuturong suspek sa pagpatay sa magkapatid na opisyal ng barangay sa Kabacan, Cotabato, noong Oktubre 21, ayon sa militar.

Kinilala ni Brig. Gen. Edgar Catu, bagong talagang commander ng Army’s 6th Infantry Division (6ID), ang suspek na si Cpl. Virgilio D. Magbiray Jr., miyembro ng 90th Infantry Battalion ng Philippine Army.

Ayon sa pulisya, pangunahing suspek si Magbiray sa pamamaril sa magkapatid na sina Patacpan Maganaka, isang barangay councilor, at Ibrahim Maganaka, barangay bookkeeper ng Barangay Lower Paatan sa Kabacan.

Sinabi ni Maj. Greg Palalay, deputy police chief ng Kabacan, na namamahala ang magkapatid sa isang disco sa kanilang barangay nang magkaroon ng kaguluhan bandang alas-1 ng madaling-araw noong Oktubre 21.

Nagsimula umano ang insidente matapos pagbabatuhin ng bato ang dance floor.

Nang mamagitan ang magkapatid, nauwi umano ito sa pagtatalo nila ni Magbiray, na sinasabing bumaril sa mga biktima gamit ang isang 9mm na baril.

Matapos sumuko, iniharap si Magbiray ni Lt. Col. Loqui O. Marco, commanding officer ng 90th Infantry Battalion, kay Brig. Gen. Gremel B. Brual, commander ng 601st Infantry Brigade.

Iniutos naman ni Catu ang paglilipat sa suspek sa Kabacan Municipal Police Station para sa kaukulang legal na proseso. Isinuko rin ni Magbiray ang baril na pinaniniwalaang ginamit sa krimen.

“Ang batas ay pantay na umiiral sa lahat, anuman ang ranggo o posisyon, at ang sinumang mapatunayang lumabag dito ay dapat managot alinsunod sa due process,” pahayag ni Catu.

Dagdag pa niya, nananatiling nakatuon ang 6ID sa pagpapatupad ng batas, pagtitiyak ng pananagutan, at paggalang sa mga karapatang konstitusyonal ng bawat indibidwal.

Nasa kustodiya na ng pulisya si Magbiray habang hinihintay ang kaukulang legal na proseso. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here