Home NATIONWIDE DOTR: Ownership, fare-setting authority mananatili sa pamahalaan sa privatization plan

DOTR: Ownership, fare-setting authority mananatili sa pamahalaan sa privatization plan

1
0

MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Transportation (DOTr) na mananatili sa pamahalaan ang ownership ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) at ang kapangyarihan na magtakda ng pamasahe sa ilalim ng panukalang privatization plan.

Sa panayam ng DZBB, sinabi ni DOTr Undersecretary Timothy John Batan na ang proposed public-private partnership (PPP) ay maglilipat lamang ng operasyon at maintenance ng MRT-3 kasama ang investments para sa capacity expansion, sa mananalong private concessionaire.

“Pag sinasabi po natin na privatization ng MRT-3 ay hindi po natin ibinebenta ito pong asset. Hindi po natin ibinebenta o inililipat ang pagmamay-ari ng MRT-3 sa pribadong sektor, kung sino man po ang mananalo. Mananatili po ang pagmamay-ari ng MRT-3, mananatili po ang pagtatakda ng pasahe, ng service quality requirements, ng performance standards. Ito po ay mananatili sa kamay ng gobyerno,” sinabi ni Batan.

Ani Batan, magtatakda rin ang pamahalaan ng performance standards para sa private concessionaire at magpataw ng sanction o penalty sa noncompliance.

“Ang pangunahing benepisyo po natin na… nilalayong makita dito sa proyekto na ito ay hindi po pinansyal. Hindi po tayo pumapasok sa proyekto na ito para po kumita ang gobyerno,” dagdag pa ng opisyal.

“Pangunahin po nating layunin na maibigay ‘yung mataas na kalidad po ng serbisyo doon po sa ating mananakay. ‘Yan pong mataas na kalidad na serbisyo na ’yan ay una sa lahat, manggagaling sa capacity expansion.”

Sinusuri pa ang revenue-sharing arrangements para sa MRT-3 at sumasailalim sa approval ng Investment Coordination Committee at Economic Development Council.

Siniguro rin ng ahensya sa mga commuter na mananatili sa pamahalaan ang kontrol sa pamasahe at sisiguruhin itong abot-kaya. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here