Home NATIONWIDE Sunod-sunod na byaheng abroad ni PBBM pinagtanggol

Sunod-sunod na byaheng abroad ni PBBM pinagtanggol

MANILA, Philippines – IPINAGTANGGOL ng isang opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang foreign trips ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Foreign Affairs Assistant Secretary Maria Elena Algabre na ang mga byahe ng Pangulo sa ibang bansa ay bahagi ng ‘development goals’ ng administrasyon.

Kamakailan lamang kasi ay dalawang beses na binisita ng Pangulo ang Australia para sa kanyang state visit at ASEAN-Australia Special Summit.

Sa susunod na linggo ay nakatakda namang umalis ang Pangulo patungong Berlin, Germany at Prague, Czech Republic para sa working visits.

“The President’s international engagement is, of course, in support of his development agenda, security, economic that will redound to the benefits of our countrymen. And for Germany and the Czech Republic, the visit will focus, as we have said earlier, in strengthening partnership with like-minded countries in Europe especially the promotion of a rules-based international order,” ayon kay Algabre.

Naniniwala si Algabre na ang byahe ng Pangulo ay hindi pag-aaksaya ng pondo ng pamahalaan.

“Hindi po. These trips are all in support of the President’s development agenda for the well-being of our country and the progress of the Filipinos,” ang paliwanag ni Algabre.

Sa kabilang dako, simula nang maupo bilang Pangulo ng bansa noong Hunyo 30, 2022 hanggang sa pagtatapos ng 2023, nakapag-byahe si Pangulong Marcos patungong ibang bansa ng 19 na beses. Tinatayang 11 sa nakalipas na 12 buwan ng nakaraang taon.

Ngayong taon, maliban sa dalawang byahe sa Australia, nagpunta ang Pangulo sa Brunei para dumalo sa kasal ni Prince Abdul Mateen, Vietnam para sa state visit.

Samantala, noong nakaraang buwan, sinabi ng Presidential Communications Office (PCO) na 46 proyekto na nagkakahalaga ng $14.2 bilyon sa foreign investment ang naisakatuparan mula sa naging byhae ng Chief Executive sa iba’t ibang bansa sa nakalipas na 16 na buwan. Kris Jose