MANILA, Philippines- Nasa 120 pamilya ang nawalan ng tirahan matapos lamunin ng apoy ang nasa 60 kabahayan sa Parañaque City Biyernes ng hapon, Oktubre 25.
Ayon kay Parañaque City Bureau of Fire Protection (BFP) operations chief S/Insp. Mark Tuto, nagsimula ang sunog dakong alas-3:07 ng hapon sa tatlong palapag na gusali sa Creekville Compound, Brgy. Marcelo Green Village, Parañaque City.
Sinabi ni Tuto na mabilis kumalat ang apoy dahil sa dikit-dikit ang mga kabahayan sa lugar na gawa sa lamang sa light materials.
Dagdag pa ni Tuto, nahirapan silang pasukin ang lugar dahil bukod sa iisa lamang ang pinakapasukan ng mga residente ay makipot pa ito at malapit pa sa ilog.
Wala namang naiulat na nasaktan o nasawi sa naturang sunog na umabot ng ikatlong alarma.
Patuloy ang imbestigasyon ng Parañaque BFP upang matukoy ang dahilan ng sunog pati na rin ang halaga ng napinsalang ari-arian na tinupok ng apoy.
Idineklara ng Parañaque BFP ang fire out dakong alaso-5:39 ng hapon habang pansamantalang mananatili ang nasa 78 pamilya sa covered court ng Savvy 25 Village sa lungsod.
Samantala, namahagi din ang lokal na pamahalaan ng mga pangunahing pangangailangan ng mga nabiktima ng sunog tulad ng inuming tubig, higaan at kumot gayundin ang mainit na pagkain kasabay ng pangako na magpapaabot ng tulong-pinansyal para sa pagsasaayos ng kani-kanilang bahay na nilamon ng apoy. James I. Catapusan