Home METRO Sunog sumiklab sa residential area sa QC

Sunog sumiklab sa residential area sa QC

MANILA, Philippines – TINUPOK ng apoy ang isang residential area sa Barangay Obrero, Quezon City nitong Sabado ng gabi iniulat ng Bureau of Fire Protection (BFP).

Ayon sa BFP tumagal ang sunog hanggang madaling araw ng Linggo.

Naapektuhan ng sunog ang isang informal settler community sa Makabayan Street, Brgy. Obrero.

Sinabi ng BFP na nagsimula ang sunog dakong 11:20 ng gabi at mabilis na kumalat dahil gawa sa light materials ang mga bahay.

Nabatid pa sa Bureau of Fire Protection (BFP) na umabot sa ikatlong alarma ang sunog bago ideklarang fire out dakong alas-4:00 ng umaga.

Ayon sa ulat, nahirapan ang mga bumbero na makapasok sa apektadong lugar dahil sa makipot na eskinita na nagsisilbing tanging pasukan at labasan sa komunidad.

Sinabi pa sa ulat na kinailangan din nilang ilagay ang kanilang mga fire hose para makakonekta sa mga fire hydrant sa Timog Avenue at Tomas Morato Avenue.

Nabatid pa sa ulat na hindi bababa sa 100 bahay ang naapektuhan ng sunog.

Aabot sa 143 pamilya na sa ngayon ay pansamantalang naninirahan sa tatlong evacuation center: ang lumang barangay hall, isang barangay facility, at ang Don Alejandro Roces Sr. High School sa Roces Avenue. Santi Celario