Home METRO Sunud-sunod na pamamaril sa mga abogado, kinondena ng IBP

Sunud-sunod na pamamaril sa mga abogado, kinondena ng IBP

332
0

ZAMBOANGA DEL NORTE, Philippines – Mariing kinondena ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang sunud-sunod na pamamaril sa ilang abogado at nanawagan sa Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng malinaw at patas na imbestigasyon hinggil sa tangkang pagpatay sa isang abogado sa Zamboanga del Norte at pagpatay sa isa pang abogado sa Palawan.

Matatandaan na noong Martes ng hapon Oktubre 14, 2025, tinambangan at pinagbabaril si Administrative Officer ng Land Transportation Office (LTO) Atty. Eustaquio Dennis Reyes, 46-anyos, habang minamaneho ang kanyang silver Toyota Hilux sa kahabaan ng Barangay Biayon, Sergio Osmeña.

Mabilis naman tumakas ang mga suspek na isang babae at lalaki at kapwa nakasuot ng abo na raincoat at sakay ng itim-abong Yamaha NMAX na motorsiklo.

Nilapatan naman ng lunas sa Corazon C. Aquino Hospital sa Dipolog City si Reyes matapos magtamo ng bala ng baril sa siko at kanang tagiliran ng tiyan.

Isang buwan pa lamang ang nakalipas nang mapatay ang Palawan-based lawyer na si Atty. Joshua Lavega Adrian sa Puerto Princesa, Palawan.

Ayon sa pambansang tanggapan ng IBP, lalo nitong pinagtitibay ang kanilang hakbang upang makabuo ng National Security Framework for Lawyers sa tulong ng Department of Justice (DOJ), Armed Forces of the Philippines (AFP), at iba pang law enforcement agencies.

“Ang pag-atake sa isang abogado ay pag-atake sa lahat ng nagtatanggol sa batas… Kapag ang batas at ang mga tagapagtanggol nito ay binabantaan, dapat tayong manindigan—nagkakaisa at walang takot—upang hindi manahimik ang hustisya,” pahayag ng IBP. /Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here