MANILA, Philippines- Upang mailapit ang mahahalagang serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan sa mga komunidad, pinangunahan ni Senator Christopher “Bong” Go, adopted son ng CALABARZON, ang pagpapasinaya sa bagong Super Health Center sa Lumban, Laguna noong Martes.
Sa naturang okasyon, pinarangalan din si Senator Go bilang “adopted son” ng Lumban, Laguna, bilang pagkilala sa kanyang walang tigil na suporta sa paglilingkod sa sambayanang Pilipino.
Nagpasalamat ang senador sa mga lokal na opisyal ng Lumban sa kanilang tiwala at suporta, kabilang sina Mayor Rolando Ubatay, Vice Mayor Belen Raga, at mga miyembro ng lokal na konseho, bukod sa iba pa.
Lubos na pinasalamatan ni Go ang ibinigay sa kanyang pagkakataong makapaglingkod at idiniin ang kanyang dedikasyon sa pagpapabuti ng buhay ng mamamayang Pilipino.
“Maraming salamat po sa inyo dahil sa pagkakataon na ibinigay ninyo sa akin upang makapagserbisyo sa inyo. Hindi ko po sasayangin ang pagkakataon na binigay ninyo. Iyan lang po ang maiaalay ko sa inyo, ang aking kasipagan sa pagserbisyo,” ani Senator Go.
Iginiit ni Senator Go, chairperson ng Senate committee on health, ang kahalagahan ng pagtatayo ng mas maraming Super Health Centers bilang bahagi ng kanyang pangako sa pagpapalakas ng healthcare system sa bansa, partikular sa grassroots community.
Layunin ng Super Health Center na bawasan ang pagsisikip sa mga ospital sa pamamagitan ng pagbibigay ng mahahalagang serbisyong medikal tulad ng primary care, consultations, at early disease detection.
Ang mga pasilidad na ito ay idinisenyo upang madaling mapuntahan ng mga tao, maging community-based healthcare hubs, at mabilis na makatanggap ang mga residente ng napapanahon at affordable medical assistance.
Sa pagtutulungan ni Senator Go at mga kapwa mambabatas, kasama ang Department of Health (DOH) at local government units, inilaan ang sapat na pondo para sa pagtatayo ng mahigit 700 Super Health Centers sa buong bansa. May 13 nang matatagpuan nito sa Laguna.
Ayon sa DOH, 323 centers na ang naitayo at operational sa ngayon.
Samantala, may kabuuang 139 Barangay Health Workers, kawani ng Super Health Center, at Barangay Nutrition Scholars ang nabigyan ng iba’t ibang uri ng tulong sa pamamagitan ng pinagsamang pagsisikap ni Senator Go at ng lokal na pamahalaan sa nasabing event.
Gayundin, mayroong 135 displaced workers na nakatanggap ng katulad na suporta, kasama ang pamasahe sa transportasyon mula kay Senator Go.
Bukod sa inagurasyon ng Super Health Center, dumalo din si Senator Go sa groundbreaking ceremony ng Lumban Municipal Hall, na lalong nagpatingkad sa kanyang patuloy na pagsuporta sa mga hakbang ng lokal na pamahalaan. RNT