MANILA, Philippines – Lumabas sa Philippine area of responsibility (PAR) ang Super Typhoon Julian noong Martes ng umaga, ayon sa state weather bureau PAGASA.
Gayunman, sinabi ng PAGASA na maaaring bumalik si Julian sa loob ng PAR sa Miyerkules ng umaga o hapon.
“At 9:00 AM today (October 1), lumabas ng PAR ang Super Typhoon JULIAN. Baka makapasok ulit sa PAR bukas ng umaga o hapon,” saad ng PAGASA sa Facebook post.
Sa kanilang 5 a.m. bulletin, sinabi ng PAGASA na makikitang pumihit si Julian patungo sa dagat timog-kanluran ng Taiwan sa Martes hanggang madaling araw ng Miyerkules.
Magla-landfall ito sa kahabaan ng timog-kanlurang baybayin ng Taiwan sa Miyerkules ng umaga o hapon.
Maaaring lumipat si Julian pahilagang silangan patungo sa East China Sea at lumabas ng PAR sa Huwebes ng hapon o gabi, ayon sa PAGASA.
May kabuuang 77,249 katao o 22,645 pamilya ang naapektuhan ng Julian sa Ilocos Region, Cagayan Valley, at Cordillera, sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa ulat nito nitong Martes.
Sa mga apektadong populasyon, 762 katao o 254 na pamilya ang nananatili sa mga evacuation center habang 1,031 indibidwal o 327 pamilya ang nakasilong sa ibang mga lugar.
Suspendido ang klase sa 253 lugar at iskedyul ng trabaho sa 108 lugar dahil kay Julina.
Ang tulong na nagkakahalaga ng P987,732 ay naibigay na sa mga biktima ni Julian sa ngayon, ayon sa NDRRMC. RNT