MANILA, Philippines- Matagumpay na naibalik ng National Electrification Administration (NEA) ang suplay ng kuryente sa lalawigan ng Siquijor.
Umabot sa deadline na itinakda ni Pangulong Province para sa pagkilos na ito.
Sa isang kalatas na ipinalabas sa pamamagitan ng Presidential Communications Office (PCO), sinabi ng NEA na minadali nito ang pagkukumpuni sa power generator sets ng Siquijor Island Power Corp. (SIPCOR), at pinangasiwaan ang paghahatid at pagkakabit ng generator set mula Palawan Electric Cooperative (PALECO).
Ang karagdagang rental generator sets mula SIPCOR ay nakatulong na ma-secure ang suplay.
“NEA remains committed to monitoring the power situation in Siquijor to ensure that families, businesses, and schools continue to enjoy reliable electricity in the days and weeks ahead,” ang nakasaad sa kalatas.
Sa ilalim ng mandato nito, inatasan ang NEA na i-promote ang pagpapanatili ng rural electrification, at bigyang-kapangyarihan ang electric cooperatives para magdala ng kuryente sa lalawigan, kabilang na sa ‘missionary at economically unviable areas.’
Sa ulat, nagdeklara ng state of calamity ang lokal na pamahalaan ng Siquijor matapos ang patuloy na power crisis sa buong lalawigan.
Base sa Resolution No. 2025-02, inilahad ng lokal na pamahalaan na apektado na ng rotational brownout ang primary sector na nakadepende sa power supply.
Matatandaang noong May 13, 2025 ang simula ng pagkakaroon ng rotational brownout sa buong probinsya kung saan dalawa hanggang limang oras lang nararanasan ang kuryente sa mga lugar.
Tiniyak naman ng NEA na nakatutok na ito para agad masolusyunan ang matagal nang problema sa kuryente sa Siquijor.
Kasunod ito ng pag-iinspeksyon ni Pangulong Marcos kasama si NEA Administrator Antonio Mariano Almeda sa Siquijor Island Power Corp. (SIPCOR) nitong Miyerkules.
Ayon sa NEA, iniutos na ni Administrator Almeda na gamitin ng Province of Siquijor Electric Cooperative, Inc. (PROSIELCO) ang 2-megawatt modular generator set (genset) mula sa Palawan Electric Cooperative (PALECO) bilang pansamantalang solusyon. Kris Jose