MANILA, Philippines – Kailangan ng Department of Education (DepEd) ng nasa P51.69 milyong pondo para sa paglilinis at repair ng mga paaralang napinsala ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Maasim, Sarangani noong Lunes, Hunyo 8.
Sa Situation Report No. 5 ng ahensya na inilabas nitong Martes, sinabi ng DepEd na kailangan ng P7.787 milyon para sa cleanup at clearing operations ng 267 apektadong paaralan at P43.904 milyon naman para sa repair ng mga silid-aralan na nagtamo ng minor damage.
Nakita sa initial assessment na 1,391 klasrum ang napinsala ng lindol kabilang ang 896 na may minor damage, 296 na may major damage, at 199 na totally destroyed.
Mayroon ding 14 water, sanitation, at hygiene (WASH) facilities ang nasira.
Ang may pinakamaraming nasirang klasrum ay sa Region XII sa 1,023, sinundan ng Region XI sa 192, Region X sa 77, Region XIII sa 71, at Region IX sa 42. RNT/JGC