MANILA, Philippines – Umamin ang isang 45-anyos na lalaki sa Indonesia sa pagpatay sa kanyang 60-anyos na kapitbahay matapos na ma-offend at makulitan sa pagtatanong ng biktima kung bakit hindi pa rin ikinakasal ang suspek.
Iniulat ng Indonesian media na ang insidente ay naganap sa South Tapanuli regency, na matatagpuan sa North Sumatra, noong Hulyo 29.
Kinilala ang biktima na isang retiradong civil servant na nagngangalang Asgim Irianto, sabi ng Assistant Police Commissioner (AKP) Maria Marpaung ng rehiyon noong Hulyo 31, ayon sa Indonesian media outlet na Detik Jogja.
Sinabi ng AKP Maria na batay sa isang pahayag na ibinigay ng asawa ni Mr Asgim, ang suspek na si Parlindungan Siregar, ay dumating sa kanilang tahanan bandang alas-8 ng gabi noong Hulyo 29 na may hawak na isang piraso ng kahoy, at nagsimulang umatake sa biktima nang walang babala.
Si Mr Asgim ay tumakbo palabas sa kalye, kung saan siya hinabol ni Parlindungan at nasapak sa ulo dahilan para siya ay tumumba at pagbubugbugin pa ng suspek.
Naawat ng mga residente sa lugar ang suspek pagkatapos ay dinala si Mr Asgim sa ospital, ngunit namatay siya bago makarating, sabi ni AKP Maria.
Inaresto ng pulisya si Parlindungan sa loob ng isang oras ng pag-atake.
Ayon sa AKP Maria, sinabi ni Parlindungan sa pagtatanong ng mga pulis na determinado siyang bugbugin si Mr Asgim hanggang mamatay dahil nasaktan siya sa kung gaano kadalas tanungin siya ng kanyang kapitbahay, sa biro, kung bakit hindi siya kasal. RNT