Home HOME BANNER STORY Suspek sa barilan sa BGC konektado sa POGO – Gatchalian

Suspek sa barilan sa BGC konektado sa POGO – Gatchalian

MANILA, Philippines – Bahagi ng sindikato na may kaugnayan sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) ang Chinese na suspek sa shooting incident sa BGC ngayong linggo.

Ito ang sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian nitong Sabado, Marso 9, sa panayam ng Teleradyo Serbisyo kung saan mismong mga awtoridad ang nagsabi ng impormasyong ito.

“Confirmed na itong tao ay konektado sa POGO. At nakapasok siya dito dahil sa POGO. Kung matatandaan natin yung mga unang panahon, napakabilis magtayo ng POGO, napakabilis magtrabaho sa POGO, kaya sinu-sino na lang nakakapagtrabaho sa POGO,” ani Gatchalian.

Ang suspek, ayon sa senador, ay “remnant” ng kidnapping syndicate sa bansa.

Dagdag pa, ang suspek din ay bahagi ng grupo na sangkot sa pinakahuling krimen.

“Ngayon, ang balita ko dito sa shooting incident, ito yung mga sindikato na naiwan na dito. At itong taong ito ay kabahagi ng mga nagkidnap. At may mga ebidensya rin na nagtuturo na itong taong ito, kasama rin doon sa mga, kung matatandaan mo, may isang news report na lumabas na may pinagutan ng ulo. Kasama siya dito,” pagbabahagi ni Gatchalian.

“Kaya nung lumabas yung pag-aresto sa kanya, naglaban siya. Makikita naman natin. Ang nakakatakot, itong mga taong ito, nakatira sa mga subdivision, high-end villages. Sa BGC ito eh na kung saan maraming mga turista, maraming mga negosyante ang nakatira,” dagdag pa niya.

Matatandaan na aktibong isinusulong ni Gatchalian ang pagbabawal sa POGO sa bansa.

Samantala, nagbabala ang senador sa publiko na ginagamit ng mga miyembro ng sindikato ng POGO ang mga lehitimong government IDs katulad ng PhilHealth at driver’s license.

“Yung POGO talagang, ano ito eh, talagang nakakasira sa ating lipunan dahil hanggang ngayon, nakikita pa rin natin itong mga problema nito… Yung Bugatti nga, yung dalawang Bugatti sa Alabang na nakuha, POGO rin ang inpormasyon ko. POGO rin ang may-ari nitong Bugatti. Dahil sino namang lokal ang makaka-afford ng P180 milyon na sasakyan? At balita namin, POGO rin ito. Kaya hanggang ngayon, hindi lang lumalabas sa media. Yung iba ay sulpot-sulpot lang sa media. Pero nandito pa rin yung kanilang ginagawang hindi magaganda,” aniya.

Kamakailan ay inilantad din ni Gatchalian na ang dalawang smuggled Bugatti Chiron sports car na nagkakahalaga ng P170 milyon kada isa, ay pagmamay-ari ng mga POGO. RNT/JGC

Previous articleSRA nag-alok ng traders import opportunities kapalit ng pagbili ng lokal na asukal
Next articleMga trabaho sa MIAA ligtas sa NAIA privatization