MANILA, Philippines – Siniguro ni Transportation Secretary Jaime Bautista na walang mawawalan ng trabaho sa mga tauhan ng Manila International Airport Authority (MIAA) sa kabila ng pagturn-over ng operasyon at maintenance ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa pribadong sektor.
Sa pahayag nitong Sabado, Marso 9, muli itong siniguro ng Department of Transportation (DOTr) sa mga tauhan ng MIAA kasabay ng ika-43 anibersaryo ng ahensya nitong Biyernes.
“Part of the concession agreement is for the concessionaire to offer positions to existing employees of Manila International Airport Authority,” pahayag ni Bautista.
“Be it regular employees, contract of service or job order. Ibig sabihin, walang mawawalan ng trabaho dito,” dagdag ng opisyal.
Nauna nang sinabi ni Transportation Undersecretary for Planning and Project Development Timothy John Batan na obligado ang pribadong grupo na makakakuha ng concession deal sa operasyon ng NAIA na ialok ang mga trabaho sa kasalukuyang mga manggagawa ng paliparan upang masiguro na walang mawawalan ng trabaho dahil sa privatization.
Noong Pebrero, inanunsyo ng DOTR na nanalo ang SMC-SAP & Company Consortium sa 15-year concession deal para sa rehabilitasyon, operasyon at pagpapalawak sa NAIA, sa option na 10-year extension depende sa performance ng concessionaire.
Ang nanalong grupo ay binubuo ng San Miguel Holdings Corp., RMM Asian Logistics Inc., RLW Aviation Development Inc., at Incheon International Airport Corp. RNT/JGC