Home NATIONWIDE Suspek sa insidente ng putukan sa Senado, volunteer driver, ‘di empleyado ng...

Suspek sa insidente ng putukan sa Senado, volunteer driver, ‘di empleyado ng NBI – Matibag

72
0

MANILA, Philippines – Sinabi ni National Bureau of Investigation (NBI) director Melvin Matibag na ang driver na naaresto sa shooting incident sa Senado ay hindi opisyal na empleyado ng NBI.

Tinukoy ni Matibag si Mel Oragon, kinilala sa isang police report na isang 44 taong gulang na lalaki na sinasabing nagta-trabaho bilang driver ng NBI.

Ani Matibag, sa pag-iimbestiga, natuklasan niya na si Oragon ay isang “volunteer” para sa NBI at nagsisilbi lamang bilang driver ng grupo na dineploy sa Senado.

“Well, sa ngayon po, binalideyt [validated] iyon pong aming records ng amin pong mga ahente at mga employees, siya po ay hindi po opisyal na empleyado ng NBI. Ngunit noong akin pong … nagkaroon na po ako ng sariling imbestigasyon, lumalabas po na siya ay parang volunteer, kasama po ng mga ahente po,” ani Matibag.

Sa ulat, sa inisyal na imbestigasyon, makikita na si Oragon, di umano’y armado ng hindi madeterminang kalibre ng baril, nagpakawala ng ilang putok sa loob ng gusali ng Senado, dahilan ng pag-panic at pagka-alarma ng mga tao sa lugar dakong alas-7:50 ng gabi, sa loob mismo ng GSIS Compound.

Sinabi ng pulisya na si Oragon ay napasuko at naaresto ng mga miyembro ng Senate Security Detachment.

Sa kabilang dako, sa katanungan kung allowed o pinayagan itong humawak ng baril, sinabi ni Matibag na “nakita na naglalakad, pinahawak pero iyong aktuwal po na pangyayari, wala naman po siyang access po doon sa baril na hawak-hawak po niyan.” (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here