MANILA, Philippines- Makalipas ang dalawang dekadang pagtatago, nasilo rin sa wakas ang isang 41-anyos na lalaki dahil sa umano’y pagpatay sa kainuman.
Kinilala ang suspek na si Jaime Andal y Mansilungan, matapos maaresto ng mga tauhan ng District Intelligence Operations Unit (DPIOU) ng MPD noong Martes sa Brgy. Bel Air sa Makati City.
Si Andal ay itinuring na Most Wanted Person sa District Level dahil sa kasong murder.
Ayon kay MPD PIO Chief P/Major Philipp Ines, nakakuha ng impormasyon at serye ng validation ang pulisya kaya natunton ang kanyang kinaroroonan kung saan napag-alamang nagtatrabaho siya sa isang kompanya sa Makati City.
Nangyari umano ang krimen noong 2007 sa isang inuman sa Sta. Ana, Maynila.
Ayon kay Ines, base sa pahayag ng suspek ay inaasar siya ng biktima kaya nagkaroon sila ng physical confrontation.
Idinagdag pa ni Ines na ginamitan ng suspek ng bato at inihampas sa ulo ng biktima na nagresulta ng kanyang pagkamatay.
Matapos ang krimen ay tumakas ang suspek at nagpalipat-lipat ng lugar upang makatakas sa batas.
Gumamit din ito ng pekeng dokumento upang makapasok sa trabaho.
Hawak na ngayon ng MPD ang suspek habang patuloy pang pinaghahanap ang dalawa pa umano nitong kasama.
Walang piyansang inirekomenda ng Manila RTC Branch 7 para sa pansamantalang paglaya ng suspek. Jocelyn Tabangcura-Domenden