MANILA, Philippines – Patay ang suspek sa panggagahasa at pagpatay sa isang 10-anyos na estudyante sa Tupi, South Cotabato matapos nitong subukang agawin ang baril ng isang pulis, Linggo ng hapon, Mayo 12.
Sa ulat nitong Lunes, kinilala ni Lt. Richard Ho, hepe ng Tupi municipal police station, ang suspek bilang si “Ronald” na sumasailalim sa booking procedures nang mangyari ang gun-grabbing incident.
“While they were both wrestling for possession of the pistol, other police officers responded and shot Ronald,” sinabi ni Ho.
Dinala sa ospital ang suspek ngunit kalaunan ay namatay din.
Si Ronald ang itinuro ng isa sa mga saksi na pwersahang dumukot sa batang babae habang naglalakad ito pauwi mula sa paaralan hapon ng Mayo 10.
Ilang araw ang nakalipas ay nakita na lamang ang bangkay ng babae sa Sitio Lemblisong. Nakitaan ng indikasyon na ginahasa ang biktima.
Mariing kinondena ni South Cotabato Schools Division Superintendent Leonardo Balala ang pag-atake at sinigurong makikipagtulungan ang paaralan sa pulisya at mga lokal an opisyal upang masiguro ang kaligtasan ng mga estudyante. RNT/JGC