Home NATIONWIDE Suspensyon ng 139 NFA execs ‘safe measure’ kontra maling gawain – PBBM

Suspensyon ng 139 NFA execs ‘safe measure’ kontra maling gawain – PBBM

MANILA, Philippines- Para kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., “safe measure” kontra sa maling gawain ang pagsuspinde sa 139 opisyal at empleyado ng National Food Authority (NFA), kabilang na ang pinuno nito.

Ang pahayag na ito ng Pangulo ay pagsuporta na rin sa naging desisyon ng Office of the Ombudsman na patawan ng anim na buwang preventive suspension sina NFA administrator Roderico Bioco, NFA assistant administrator for operations John Roberto Hermano, 12 regional managers, 27 branch managers, at 98 warehouse supervisors.

Aniya, ang sitwasyon sa NFA ay hindi lamang nagsasangkot sa maanomalyang pagbebenta ng bigas kundi may ilang pamamaraan sa ahensya ang isinagawa nang walang board approval at hindi idinaan sa tamang talakayan.

Ayon sa Chief Executive, ang transaksyon ay ginawa nang walang go signal ng Department of Agriculture (DA) at “with the rest of the Cabinet.”

“So, we have taken the safe measure of suspending all of those who have been shown to may have been involved in any of these wrongdoings such as the anomalous sale but also the cavalier way in which the procedures that have been set out in the rules have been ignored,” ayon kay Pangulong Marcos sa isang taped interview habang nasa Melbourne, Australia.

Sa ulat, pinatawan na ng Office of the Ombudsman ng anim na buwang preventive suspension ang nasa 139 na opisyal ng National Food Administration.

Kinumpirma ito ni DA Sec. Francscio Tiu Laurel na nag-ugat ang imbestigasyon sa umano’y pagbebenta ng NFA ng libo-libong tonelada ng bigas na buffer stock sa ilang traders sa paluging presyo.

Hindi naman kasama sa suspension order ang accuser na si Assistant Administrator for Marketing Operations Lemuel Pagayunan. Kris Jose

Previous articleExcavation para sa Metro Manila Subway Project CP101 North Avenue Station aarangkada na
Next articleTINGNAN: Grupo ng kababaihan nagprotesta