MANILA, Philippines- Ibinahagi ng Aviation Police na nagnegatibo sa ilegal na droga at alak ang driver ng isang sports utility vehicle na bumangga sa bollard sa bukana ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang indibidwal.
Nabatid ito kay Aviation Security Unit-National Capital Region Chief Col. Cesar Lumiwes, nangangahulugan na ang 47-anyos na driver ay hindi nasa ilalim ng impluwensya ng anumang sangkap nang mangyari ang insidente sa NAIA Terminal 1 kung saan inihatid nito at ibinaba ng nasabing driver ang kanyang amo noong Linggo ng madaling araw nang maganap ang hindi inaasahang trahedya.
Una nang sinabi ng driver na nataranta umano ito sa isang sasakyan na umano’y biglang tumawid sa kanyang harapan ngunit napatunayan mula sa CCTV footage na hindi ito ang nangyari.
“Sabi niya nataranta and parang hindi na niya na-control. Ang inapakan niya ay hindi brake but yung accelerator,” ani Lumiwes.
Ayon kay Lumiwes, ang human error ay maaaring mangyari sa sinuman lalo na kung wala sila sa tamang kondisyon para magmaneho. Ang mga dahilan ay maaaring iba-iba mula sa mga personal na problema, stress at kahit pressure mula sa mga security guard o traffic enforcer.
Naiwasan sana ang insidente kung pinigilan ng bollard ang sasakyan mula sa pagrampa sa daanan ng pasukan.
“Hindi niya na-contain yung impact which is ang purpose talaga nun is for vehicle improvised implosive device. Ngayon hindi pala siya strong enough. Siguro yun ang palalakasin, lalakihan so it can withstand para kung may ganitong insidente, it will serve its purpose,” paliwanag ni Lumiwes.
Muling iginiit ng driver na hindi siya magsasalita o magbibigay ng pahayag sa media. Sinabi ng mga awtoridad na may hawak siyang professional driver’s license. Bukod sa pagiging company driver, nagtrabaho na rin siya bilang driver sa ibang bansa.
Nahaharap siya sa dalawang bilang ng reckless imprudence resulting in homicide, multiple physical injuries at damage to property. Ang mga kasong ito ay bailable, ayon sa mga awtoridad. JR Reyes