Bulacan (UPDATED)- Tatlo ang patay matapos tadtarin ng bala ang isang SUV ng hindi nakilalang mga salarin sa bayan ng San Rafael.
Kinilala ang mga napaslang na si Brian, 27, residente ng Brgy. Poblacion, San Ildefonso, kanyang hindi pinangalanang kasintahan at security aid.
Sa report ng San Rafael police station, nangyari ang pamamaril bandang alas-3:15 ng hapon nitong Marso 21, sa kahabaan ng Maharlika Highway, Brgy. Capihan.
Ayon sa report, hinahabol ng isang itim na SUV ang isa pang SUV na Ford Everest Titanium na sinasakyan ng mga biktima at nang maabutan ay pinaulanan ito ng bala.
Dahil dito, nawalan ng kontrol ang sasakyan ng mga biktima na bumangga sa isang tricycle hanggang sumalpok sa isang tindahan.
Nabatid na sapul sa iba’t ibang parte ng katawan ang driver at katabing lalaki sa harapan ng sasakyan na kanilang agarang ikinamatay habang sugatan ang babaeng pasahero na agad isinugod sa ospital para sa paunang lunas subalit binawian din ng buhay kalaunan.
Tinatayang nasa 25 basyo ng cal 5.56 ang nakita sa crime scene kaya nagkabutas-butas ang windshield, tagiliran at likurang bahagi ng nasabing sasakyan.
Sinasabing si Villaflor ay kilalang isang information technology specialist at social media operator, ayon na rin sa mga report.
Patuloy ang hot pursuit operation ng pulisya para sa ikadarakip ng mga suspek. Dick Mirasol III