MANILA, Philippines- Matapos makorner ng mga mambabatas sa kanilang “unverified social media posts”, ilang vloggers ang humingi ng paumanhin sa House Tri Committee sa pagpapatuloy ng pagdinig ng panel ukol sa fake news at disinformation.
Ang vloggers na sina Krizette Laureta Chu, na nagpakilalang editor ng Manila Bulletin, Mary Jane Quiambao Reyes at Mark Lopez ay nag-sorry matapos komprontahin ni Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante ukol sa mga post na pawang “misleading at unverified”.
Sa pagtatanong ni Abante kay Chu ay inamin nito na ang kanyang mga pahayag ay galing lamang sa news reports at wala itong pinaghahawakang mga dokumento para suportahan ito.
“Kaya tinatanong kita kung saan mo kinuha. Sinabi mo sa news mo lang pala kinuha, eh wala kang documents! You cannot even tell me if you’re telling facts or truths!” paliwanag ni Abante kay Chu.
“Ibig mong sabihin, you’re going to base your statement – tanga ang gobyerno – sa news na nabasa mo?” pagtatanong pa ni Abante.
Sa huli ay humingi ng paumanhin si Chu.
“I will apologize, Mr. Chair, for my bad words. I apologize for saying ‘tanga’ in my post,” ani Chu.
Si Abang Lingkod Party-list Rep. Stephen Joseph Paduano ay ginisa naman si Quiambao-Reyes sa pagsasabing “hoax” lamang ang extrajudicial killings (EJKs).
Nang tanungin kung may basehan ay kanyang sinasabi, inamin ng vlogger na wala.
Hindi naiwasan ni Quiambao na umiyak at inamin na natatakot itong ma-contempt.
Ang pro Duterte vlogger na si Lopez ay nag-sorry din at sinabing “fake news po ako” nang tanungin naman sa posts niya ukol sa South China Sea.
Hindi rin pinalampas ni House Committee on Overseas Workers Affairs Chairman at Tingog Partylist Rep. Jude Acidre na komprontahin si Chu sa kanyang huling post na maraming pulis ang nagbitiw matapos ang naging pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Inamin ni Chu na ang kanyang sinabi ay base lamang sa TikTok posts.
“In other words, it was just your impression. In short, it was a rumor, it was a lie which you propagated,” ani Acidre.
Palusot ni Chu na ginamit nya ang salitang “daw” ngunit giit ni Acidre, ang legitimate journalists ay hindi ganoon kumilos bagkus ay “duty-bound” na beripikahin ang impormasyon.
Pinaalala ni Acidre na ang nagpapakalat ng unverified information lalo na sa usapin ng law enforcement at national security na may seryosong consequences. Gail Mendoza