Home NATIONWIDE ‘T-Dome’ air defense system ipakikilala ng Taiwan vs banta ng China

‘T-Dome’ air defense system ipakikilala ng Taiwan vs banta ng China

360
0

TAIPEI, Taiwan – Ipakikilala ng Taiwan ang bagong multi-layered air defense system na tinawag na “T-Dome” upang palakasin ang depensa nito laban sa mga banta ng kaaway at tugunan ang tumitinding tensyon sa China, ayon kay President Lai Ching-te nitong Biyernes, Oktubre 10.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Lai na layunin ng proyekto na bumuo ng mas mahigpit at epektibong air defense network na magbibigay proteksyon sa mamamayan.

“We will accelerate our building of the T-Dome, establish a rigorous air defense system in Taiwan with multi-layered defense, high-level detection, and effective interception,” aniya, na sinundan ng palakpakan mula sa mga dumalo.

Bagama’t hindi pa naglabas ng detalye si Lai, iniulat ng Reuters na layunin ng “T-Dome” na katulad ng “Iron Dome” defense system ng Israel. Isasama umano sa isusumiting special defense budget bago matapos ang taon ang pondo para rito.

“We are hoping to build a more thorough air defense net with a higher interception rate,” ayon sa isang opisyal ng presidential office na tumangging pangalanan.

Kasalukuyang nakadepende ang Taiwan sa US-made Patriot missiles at sa sariling gawang Sky Bow air defense systems.

Nitong nakaraang buwan, ipinakita rin ng bansa ang Chiang-Kong missile, na kayang sumalo ng mid-level ballistic missiles at mas mataas na altitude kaysa Patriot.

Tinuligsa naman ng China ang panibagong inisyatiba ni Lai.

Ayon kay Chinese Foreign Ministry spokesperson Guo Jiakun, “He peddles the separatist fallacy of Taiwan independence,” sabay babala na ang paghahangad ng kalayaan ay magdadala lamang ng gulo sa rehiyon.

Giit ni Lai, dapat itakwil ng China ang paggamit ng puwersa o pananakot upang baguhin ang status quo sa Taiwan Strait.

“We should learn from the lessons of history and ensure that the tragedies of war are never repeated,” aniya.

Samantala, sinabi ng isang opisyal ng US administration na tinatanggap ng Amerika ang pangakong ito ni Lai na palakasin ang depensa ng Taiwan at panatilihin ang kapayapaan sa rehiyon.

Ang anunsyo ay ginawa ilang araw bago ipagdiwang ng Taiwan ang National Day, na ginugunita ang 1911 uprising na nagpatalsik sa huling dinastiya ng Tsina at nagtatag ng Republic of China—ang opisyal na pangalan ng bansa hanggang sa kasalukuyan. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here