BATANGAS, Philippines – Nagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ng isang minor phreatomagmatic eruption sa Taal Volcano kasama ang mga volcanic earthquake at tremor sa loob ng nakalipas na 24 oras, ayon sa bulletin nitong Sabado, Abril 11.
Ayon sa PHIVOLCS, may pitong volcanic earthquakes at isang tremor na tumagal ng humigit-kumulang isang minuto ang naitala sa nasabing panahon.
Mula Abril 1 hanggang 11, umabot na sa 36 ang kabuuang volcanic earthquakes at 12 ang tremor sa bulkan.
Noong Biyernes ng 1:45 p.m., nagkaroon ng minor phreatomagmatic eruption sa summit crater, ngunit hindi matukoy ang eksaktong tagal nito.
Ang tinatawag na “pusngat” ay naglabas ng plume na umabot sa humigit-kumulang 200 metro, batay sa IP camera ng main crater.
May nauna ring katulad na minor eruption noong Huwebes ng umaga na tumagal ng halos dalawang minuto.
Noong Abril 6, naitala rin ang steam-driven burst na tumagal ng mga dalawang minuto.
Ipinaliwanag ng PHIVOLCS na ang phreatomagmatic eruption ay nangyayari kapag ang tubig sa ilalim o ibabaw ay pinainit ng magma, lava, o maiinit na bato na nagreresulta sa pagsabog ng singaw.
Sa pinakahuling monitoring, umabot sa 732 metric tons ang sulfur dioxide (SO₂) emissions mula sa crater at ang plume ay umabot sa 500 metro.
Ayon sa PHIVOLCS, “weak” ang antas ng emissions.
Walang naobserbahang pagtaas ng mainit na volcanic fluids sa crater lake at wala ring volcanic smog o “vog.”
Nanatili ang Taal Volcano sa Alert Level 1, na nangangahulugang mababang antas ng pag-aalboroto ngunit abnormal ang kondisyon.
Nagpaalala ang PHIVOLCS na hindi pa rin nawawala ang posibilidad ng biglaang pagputok ng bulkan. RNT/MND