NEGROS OCCIDENTAL, Philippines – Patay ang isang barangay health aide habang 11 iba pa ang nasugatan matapos magbanggaan ang dalawang truck sa downhill road sa Sitio Punod, Barangay Rizal, San Carlos City, Negros Occidental noong Biyernes ng umaga, ayon sa mga awtoridad.
Kinilala ang nasawi na si Perfecto Magbanua, 50-anyos, na nagtamo ng pinsala sa ulo.
Ayon kay Joe Recalex Alingasa, city disaster risk reduction and management officer, siyam sa mga sugatan ay mga personnel ng San Carlos City Health Office kasama ang isang 81-anyos na doktor na sakay ng Canter truck patungo sa Barangay Quezon para sa isang bloodletting activity.
Ayon sa pulisya, bumababa ang isang Hino truck na minamaneho ng 49-anyos na lalaki mula Escalante City nang bumangga ito sa paparating na Canter truck na pataas naman ang takbo.
Ang doktor ay huling na-rescue mula sa harapang bahagi ng Canter truck.
Ang Canter truck ay sakay ang mga health workers ng lokal na pamahalaan, kabilang ang doktor at isang medical technician.
Agad na idineklarang dead on arrival sa lugar ang barangay health aide ng rescue team ng San Carlos City Disaster Risk Reduction and Management Office.
Ang mga sugatan, kabilang ang driver at helper ng Hino truck, ay dinala sa San Carlos City Hospital para gamutin.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang dalawang sasakyang sangkot habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa tunay na sanhi ng aksidente. RNT/MND