MANILA, Philippines – Tatlong pag-sabog ang naitala sa Bulkang Taal nitong Linggo ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Ang una ay isang phreatic eruption noong 2:55 a.m., na tumagal ng isang minuto. Sinundan ito ng phreatomagmatic eruption dakong 8:13 a.m., na tumagal ng dalawang minuto, na may plume na umabot sa taas na 1,200 metro.
Ang ikatlo at pinakamalakas na pagsabog ay naganap noong 8:20 a.m., na tumagal ng apat at kalahating minuto at nagdulot ng 2,100 metrong taas na usok at abo.
Isang minor phreatomagmatic eruption din ang naitala noong Sabado ng hapon.
Ayon kay PHIVOLCS Director Dr. Teresito Bacolcol, itinuring na normal ang mga pagsabog dahil nananatiling nasa Alert Level 1 ang bulkan.
“Since early this year, we have more than 14 phreatic and phreatomagmatic activities for Taal Volcano, last year mas marami pa nga. This is nothing unusual kasi nasa Alert level 1 pa rin naman ang Taal Volcano,” ayon kay Bacolcol.
Dagdag pa niya, wala pa ring sapat na basehan para itaas ang alert level.
“Before natin itaas ang alert level tinitingnan natin yung stronger indicators like pagdami ng volcanic earthquakes, yung continuous degassing and ground deformation or sharp increase ng gas emissions so far hindi pa naman na-observed, so we still maintain the alert level 1,” paliwanag niya.
Iniulat ng PHIVOLCS na limang barangay sa paligid ng Taal Volcano ang naapektuhan ng ashfall—kabilang ang Buso-Buso, Gulod, Bugaan West, at San Gregorio sa bayan ng Laurel, at Banyaga sa bayan ng Agoncillo. RNT/MND