Home NATIONWIDE Taas-SSS pension aarangkada sa 2026

Taas-SSS pension aarangkada sa 2026

214
0

MANILA, Philippines — Makakatanggap ng panibagong 10% pagtaas sa kanilang buwanang pensiyon ang mga retirement at disability pensioner ng Social Security System (SSS) simula Setyembre 2026.

Bahagi ito ng tatlong-taong pension reform program ng SSS kung saan may nakatakdang pagtaas tuwing Setyembre mula 2025 hanggang 2027. Sa Setyembre 2026, may karagdagang 10% ang matatanggap ng retirement at disability pensioners na rehistrado hanggang Agosto 31, 2026, habang 5% naman ang itataas sa death at survivorship pensioners.

Ipapatupad ang huling tranche sa Setyembre 2027, na magbibigay muli ng 10% dagdag sa retirement at disability pensioners at 5% sa death o survivorship pensioners. Sa pagtatapos ng programa, tinatayang aabot sa humigit-kumulang 33% ang kabuuang pagtaas para sa retirement at disability pensioners at 16% para sa death at survivorship pensioners.

Ayon sa SSS, tinatayang 3.9 milyong pensioner ang makikinabang sa pagtaas. Sinabi rin ng ahensya na hindi na kailangang itaas ang contribution rate dahil sa matatag na performance ng pondo.

Noong 2025, lumampas sa ₱1 trilyon ang reserve fund ng SSS, kung saan umakyat sa ₱1.261 trilyon ang kabuuang assets mula ₱1.033 trilyon noong 2024. Umabot din sa rekord na ₱142.97 bilyon ang net income, mas mataas ng 58.4% kumpara sa ₱90.248 bilyon noong nakaraang taon.

Nasa ₱460.61 bilyon ang kabuuang kita ng SSS, mas mataas ng 21.4% taon-taon. Sa halagang ito, ₱377.6 bilyon ang mula sa kontribusyon ng mga miyembro habang ₱83.161 bilyon naman ang kita mula sa investments.

Umabot sa ₱317.791 bilyon ang kabuuang gastusin ng SSS noong 2025, kung saan ₱304.983 bilyon ang inilaan para sa benepisyo ng mga miyembro at pensioner at ₱12.808 bilyon para sa operating expenses.

“Based on our charter, the operating expenses are 12% of the contribution collections and 3% of other SSS income such as investments and loans,” ayon sa SSS. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here