MANILA, Philippines – Iimbestigahan ng Senate committee on women, children, family relations and gender equality ang madugong pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City sa Hulyo 1.
Inihayag ito ni Sen. Risa Hontiveros matapos ang insidente kung saan dalawang menor de edad ang nagpaputok ng baril sa loob ng San Jose National High School, na ikinamatay ng tatlong estudyante at ikinasugat ng hindi bababa sa 20 iba pa.
Ayon kay Hontiveros, muling bubuksan ng komite ang pagdinig upang alamin kung may papel ang mga online platform sa pagkalat ng mararahas na ideya at kung nagiging lugar ang mga ito para maimpluwensyahan o ma-radicalize ang mga kabataan.
Lumabas sa imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) na isa sa mga suspek ay nagpo-post umano ng mga mararahas na video tungkol sa baril, habang ang isa naman ay nagsuot pa ng damit na kahalintulad ng ginagamit ng mga school shooters sa ibang bansa.
Dahil dito, pinaghihinalaan ng PNP na maaaring ginagaya ng ilang kabataan ang mga insidente ng school shootings sa Estados Unidos.
Samantala, sinabi ng Police Regional Office-Eastern Visayas na isa sa mga suspek ay naglalaro ng GoreBox, isang marahas na open-world shooting game, bago ang insidente.
Bagama’t wala pang direktang ebidensiyang nag-uugnay sa laro o mga online platform sa pamamaril, sinabi ni Hontiveros na dapat suriin kung sapat ang mga hakbang ng mga digital platform upang maprotektahan ang mga bata laban sa hindi angkop na nilalaman.
“We will look again at whether all online platforms are doing enough to prevent young people from being exploited,” ani Hontiveros.
Dagdag pa niya, kung ginagamit ang internet upang mabiktima ang mga bata, dapat may managot at hindi dapat ipagwalang-bahala ng malalaking tech companies ang mga trahedyang nararanasan ng mga pamilya at paaralan. RNT/MND