Home TOP STORIES Tagubilin ng Comelec mahigpit na susundin ng Pamilya Ko Party-list

Tagubilin ng Comelec mahigpit na susundin ng Pamilya Ko Party-list

MAHIGPIT na ibinilin ni Pamilya Ko partylist 1st nominee Atty. Anel Diaz sa kanilang mga lider at volunteers na sumunod sa itinakdang common poster area ng Commission on Election (Comelec).

Ito ay matapos paigtingin ng Comelec ang kanilang pagbabantay sa mga election paraphernalia gaya ng mga tarpaulin at poster ng mga kandidato sa national positions upang masiguro na sumusunod ang mga ito sa umiiral na patakaran.

Giit ni Diaz, nakapanghihinayang umano kung masasayang lamang ang kanilang nagastos sa pagpapagawa ng mga tarpaulin at posters kung mailalagay ito sa mga maling lugar, lalo na’t bagong partylist lamang sila at walang gaanong pondo.

Payo ni Diaz sa kanilang mga supporters, ilagya n alamang nila ang kanilang mga posters sa kanilang pribadong bahay o lugar upang masiguro na wala silang malalabag.

Ayon pa kay Diaz, malaking tulong na rin sa kanila na nakatutok sila sa social media upang palakasin ang kanilang kampanya dahil limitado lang aniya ang kanilang resources.

Nag-ikot naman ang grupo ng Pamilya Ko partylist sa iba-t-ibang lugar sa Maynila partikular na sa area ng Sta. Ana ngayong araw ng Miyerkules.

Ang Pamilya ko Partylist ay kumakatawan sa sektor ng mga Pilipinong namuhay sa isang pamilya sa hindi tradisyong nakagawian.

Nabatid na gumawa umano sila ng acronym na LOVABLES na kabilang sa kanilang kinakatawang sektor. Ito ay ang mga sumusunod: L para sa mga live-in partners; O para sa mga OFW families; V para sa ng victims ng domestic abuse; A para sa mga adopted families; B para sa mga blended families; L para sa mga LGBT union; E para sa mga extended and elderly; at S para sa mga solo parents.

Prayoridad umano ng Pamilya Ko Partylist ang pagsusulong ng pantay na karapatan ng mga itinuturing na non-traditional modern Filipinos na nasa labas ng nakaugalian ng pamilya.

Kabilang sa mga isusulong nilang panukalang batas ang pagkakaroon ng pantay na karapatan sa mga bata, lehitimo man o hindi, dahil hindi nila kasalanan na ipanganak sa kanilang estado o ipanganak na dehado.

Isusulong din nila ang domestic partnership law kung saan magkakaroon ng karapatang magmana sa isa’t isa ang matagal nang mag-live-in at karapatang magdesisyong medikal sakaling magkaroon ng emergency sa kanilang partner.

Kabilang din sa isusulong ng partido ang legal framework para sa surrogacy.

Anila, marami ang nagsasama ng hindi kayang magkaanak kaya napipilitan silang kumapit sa surrogacy na umano’y nagreresulta naman para sa human trafficking. RNT