MANILA, Philippines – Isang estudyante ng international school sa Taguig City ang nailigtas matapos dukutin noong Pebrero 20, ayon sa Movement for Restoration of Peace and Order (MRPO) nitong Miyerkules.
Ayon kay Ka Ken Chua ng MRPO, ang biktima ay nasagip noong Martes ng gabi at agad na ibinalik sa kanyang pamilya. Gayunman, iniulat na nakararanas ng trauma ang biktima dahil sa insidente.
Sa pahayag ng Philippine National Police (PNP), ang 14-anyos na Chinese national ay natagpuang iniwan sa Macapagal Avenue sa Parañaque City. Agad siyang isinama at muling pinagsama sa kanyang ama.
Dinala ang bata sa St. Luke’s Medical Center sa Bonifacio Global City para sa medikal na pagsusuri upang matiyak ang kanyang kaligtasan at kalusugan.
Kinumpirma naman ng PNP na walang ransom na ibinayad sa mga kidnaper.
Pinangunahan ng PNP Anti-Kidnapping Group (AKG), kasama ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at National Capital Region Police Office (NCRPO), ang matagumpay na rescue operation.
Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang mga nasa likod ng pagdukot at alamin ang buong detalye ng kaso.
Ayon kay PNP chief Police General Rommel Marbil, ang pagsagip na ito ay patunay ng dedikasyon ng pulisya sa pagpapanatili ng kaligtasan ng lahat, Pilipino man o dayuhan.
“Patuloy naming paiigtingin ang aming intelligence-gathering at operasyon upang maiwasan ang mga ganitong insidente. Ang kaligtasan ng bawat residente ang aming pangunahing layunin,” dagdag niya. RNT