Home NATIONWIDE Taiwan visit ban sa PH gov’t officials pinagaan ni PBBM

Taiwan visit ban sa PH gov’t officials pinagaan ni PBBM

MANILA, Philippines – PINAGAAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang long-standing travel restrictions para sa mga opisyal ng gobyerno ng Pilipinas patungong Taiwan.

Layon nito na i-maximize ang mga oportunidad para sa ‘development’ at pagpapalawak sa ‘priority areas of investments’ ng bansa.

Nauna rito, nilagdaan ni Pangulong Marcos ang Memorandum Circular (MC) 32 noong April 15, bawasan ang travel limitations na unang ipinatupad sa ilalim ng Executive Order (EO) 313 noong 1989 sa panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Corazon Aquino.

Ang kopya ng memorandum ay isinapubliko, araw ng Lunes.

Ipinagbawal kasi ng EO 313 ang lahat ng Philippine government officials mula sa pagsasagawa ng mga official visits sa Taiwan, pagtanggap ng mga Taiwanese officials, o pagdaraos ng anumang official activity na may kinalaman sa Taiwan nang walang clearance mula sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Sa ilalim ng bagong polisiya, nililimitahan ng MC 32 ang travel restrictions sa Pangulo, Vice President, Kalihim ng Foreign Affairs, at Kalihim ng National Defense.

Ang mga opisyal ng pamahalaan na nagbabalak na bisitahin ang Taiwan para sa ‘economic, trade at investment purposes’ ay may mandato na gamitin ang kanilang “ordinary passports and without using their official titles.”

Idagdag pa rito, required ang mga opisyal na ipabatid at makipag-ugnayan sa Manila Economic and Cultural Office (MECO), ang Philippines’ de facto embassy sa Taiwan, bago pa ang kanilang byahe.

“The policy also enables Philippine officials to host Taiwanese delegations for economic talks, provided MECO is notified at least five days in advance,” ayon sa ulat.

Gayunman, pinapanatili naman ng circular ang “no official agreements, memoranda of understanding, or similar documents” ang maaaring lagdaan kasama ang Taiwanese entities nang walang ‘prior approval’ mula DFA at kung kinakailangan ay sa Office of the President (OP). Kris Jose