
KANYA-KANYANG pakulo ang kampo nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte upang pagtakpan ang mga isyu na kaugnay sa kanilang problemang dalawa na nadadamay ang buong bansa.
Sa pinakahuli, sinagot ng Malacañang sa pamamagitan ni Palace Press Officer Undersecretary Atty Claire Castro ang umano’y panghihikayat ni VP Sara sa mamamayan na magalit sa gobyerno.
Matatandaang sa indignation rally na ginanap sa Mandaue City, sinabi ng Bise Presidente na may karapatan ang mga taon na magpakita ng galit sa pamahalaan sa ginagawa ng mga itong pamamalakad at pamumulitika.
Ang awayan ng dalawang mataas na pinuno ng bansa, sa totoo lang, ay puro siraan lang sa kani-kanilang trabaho at personal na buhay samantalang tila kamakailan lang – tatlong taon pa lang ang nakalilipas – ay napakasweet nila na akala mo’y magjowa na nagpapakilig sa taumbayan kaya nakumbinsi nila na sila ay magtutulungan upang magserbisyo sa bayan upang umangat ang ating ekonomiya at muling makilala na isang maunlad na bansa.
Nagsimula sa akusasyon ng confidential and intelligence fund ng ikalawang Pangulo hanggang napunta sa “zero budget” ng PhilHealth at iba pang isyu tulad ng AKAP, AICS at TUPAD ay pilit pinagtatakpan ng Malacanang sa pakikipagsabwatan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Panay din ang banat ng Palasyo at QuadCom sa mga programa ni dating Pangulong Rodrigo Duterte tulad ng “war on drugs”, Philippine Offshore Gaming Operators at Extrajudicial Killings.
Pareho lang naman ang magkabilang kampo na may mga isyu sa kani- kanilang trabaho pero ang nangyayari, nagbabatuhan sila ng mga akusasyon para lang pagtakpan ang kanilang mga maling ginawa kasali na ang kawalang aksyon.
Sa kanilang ginagawa, hindi lang naman sila ang nasisira pero mas higit na talo sa kanilang awayan ang bansa at taumbayan.