Home METRO Tambay isinelda sa baril, pagwawala sa Navotas

Tambay isinelda sa baril, pagwawala sa Navotas

MANILA, Philippines- Binitbit sa loob ng selda ang isang lasing na lalaki matapos mag-amok habang armado ng baril sa Navotas City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Navotas police chief P/Col. Allan Umipig ang naarestong suspek na si Romeo Limbaro, 36, ng R. Domingo St., Tangos North.

Ayon kay Col. Umipig, habang nasa loob ng barangay hall ang mga tauhan ng Navotas City Police nang makatanggap sila ng impormasyon mula sa isang concerned citizen hinggil sa isang lalaki na nakasuot ng puting t-shirt at green jersy shorts na lango umano sa alak ang gumagawa ng kaguluhan sa kahabaan ng S. Antonio St., Brgy. Tangos South.

Sinabi pa nito na ang nasabing lalaki ay iwinawasiwas ang bitbit na baril habang pinagbabantaan ang kahit sinong dumaan sa lugar kaya kaagad rumesponde ang mga pulis sa naturang lugar.

Pagdating ng mga pulis sa nasabing lugar dakong alas-4 ng madaling araw ay nakita nila ang suspek na nagsisigaw habang may bitbit na baril kaya kaagad nila itong nilapitan saka inaresto.

Nakumpiska sa suspek ang isang cal. 38 revolver na may tatlong bala at nang hanapan ng kaukulang mga dukomento hinggil sa legalidad ng nasabing baril ay wala siyang maipakita kaya sasampahan siya ng pulisya ng kasong paglabag sa RA 10591. Boysan Buenaventura

Previous article‘Betty’ nag-iwan ng higit P500K agri damage sa Batanes
Next article4 hinihinalang Dawlah Islamiya, 1 sundalo patay sa bakbakan