MANILA, Philippines – Binigyang-linaw ni Pasay City Mayor Emi Calixto na ang “tambutso killing” sa alinmang aso o pusa ay hindi ginagawa ng City Veterinary Office (CVO) bilang pamamaraan ng euthanasia o pagpatay ng may awa sa alinmang hayop na gala.
Ang reaksyon ng Mayor ay resulta ng viral social media post na nag-aakusa sa tanggapan ng pagpatay sa mga na-impound na aso at pusa.
Malisyoso anang Mayor ang post, walang basehan, at nililito o inililigaw ang taumbayan para sirain o kulapulan ng putik ang reputasyon ng CVO upang magkaroon ng galing ang publiko.
Sinabi rin ng CVO na hindi sila gumagamit ng “tambutso” o anumang hindi makataong pamamaraan ng pagpatay sa mga hayop, bilang pagtalima sa guidelines ng Bureau of Animal Industry (BAI).
Sa pagsunod sa guidelines, tiniyak ni Mayor Emi na pawang propesyunal at may training alinsunod sa Animal Welfare Act R.A. 8485, as amended ng R.A. 10631 ang mga personnel ng CVO.
Ang Animal Control Facility ng Pasay ay duly accredited ng BAI, na ang pangunahing layunin ay humane, ethical, at naaayon sa batas na pagtrato sa mga hayop. Dave Baluyot