Manila, Philippines – Nagbabala ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) laban sa paggamit ng falsified o tampered permits matapos nitong matuklasan ang pekeng Permit to Exhibit (PTE) kaugnay ng Tanajuan Pelikula Production at ng pelikulang “Tatsulok Trilogy.”
Ayon sa MTRCB, hindi sumailalim sa review at classification ang nasabing pelikula at wala rin itong valid na PTE. Ang Tanajuan Pelikula Production ay hindi rin rehistrado sa Ahensiya.
Ang pekeng permit ay natuklasan noong 21 Agosto 2026 premiere ng pelikula.
Napansin ni Board Member Ma. Cecilia Villarosa na nakalista ang kanyang pangalan bilang isa sa mga nagribyu sa pelikula. Hindi ito totoo.
Maliban dito, mali ang ispeling ng pangalan ng isa pang Board Member.
Wala ring opisyal na MTRCB dry seal ang permit, na iginawad sa araw na deklaradong holiday dahil sa pagbaha.
“The use of a falsified Permit to Exhibit is a serious violation. No producer or filmmaker may bypass the MTRCB’s review and classification process through fabricated or unauthorized documents,” sabi ni MTRCB Chair at CEO Lala Sotto.
Pinaalalahanan ng MTRCB ang publiko na ang mga indibidwal at entity na nagsasagawa ng regulated activities sa industriya ng pelikula at telebisyon ay dapat rehistrado sa Ahensiya.
Ang MTRCB ay magsasagawa ng appropriate proceedings laban sa Tanajuan Pelikula Production, sang-ayon sa due process.
Nanawagan ang Ahensiya sa mga cinema na tiyakin na valid ang PTE na kanilang tinatanggap bago bigyang pahintulot ang kahit anong film screening. JP Ignacio