MANILA, Philippines- Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) Ninoy Aquino International Airport (NAIA), katuwang ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang nasa 36 piraso ng alakdan at isang container ng isopods na pawang mga walang kaukulang permit mula sa DENR.
Ayon sa BOC, idineklara umano ang nasabing parsela na naglalaman ng tradisyunal na idinisenyong shoulder bag, na nagmula sa Quezon City at ipadadala sa bansang Mexico. Sa masusing pagsisiyasat, natuklasan ng mga awtoridad na ang pakete ay nagtatago ng 23 malalaking ulo ng scorpion, 13 maliliit na ulo ng scorpion, at isang lalagyan ng mga isopod.
Bilang pagsunod sa mga itinatag na protocol, ang mga nakumpiskang kargamento ay agad na inilipat sa DENR para sa wastong paghawak at pag-iingat.
“The seized shipment constitutes a serious violation of Philippine laws, including Section 1113 in relation to Sections 117 and 1401 of RA 10863, the Customs Modernization and Tariff Act, as well as Section 27 of RA 9147, the Wildlife Resources Conservation and Protection Act,” wika ng BOC. JAY Reyes