MANILA, Philippines – IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang masusing imbestigasyon kaugnay sa di umano’y insidente ng tanim-bala sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), kasunod ng pag-viral sa social media ng video na nagpa-apoy sa pagbabalik ng extortion scheme.
Sinabi ni Presidential Communications Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na inatasan na ni Pangulong Marcos ang Department of Transportation (DOTr) na magsagawa ng detalyadong imbestigasyon ukol sa insidente sa Terminal 3 sa Pasay City, Marso 6.
“Hindi po maganda kung ito man po ay ma-uulit,” ayon kay Castro.
“Ito po talaga ay pa-iimbestigahan ng Pangulo at sa tulong na rin po ni DOTr Secretary Vince Dizon, pa-imbestigahan po ito at kung ito ay may katotohanan, maaari po na ang nagsagawa nito ay maaaring matanggal sa kanyang trabaho,” dagdag na pahayag nito.
Binigyang diin pa ni Castro na hindi kukunsintihin ni Pangulong Marcos ang kasanayan o gawain na ito lalo na kung ang mamamayang filipino o turista ang mabibiktima ng airport personnel.
“Hindi po ito papayagan ng Pangulo. So, may kailangan pong managot, kung mayroong dapat managot thorough investigation,” ang sinabi ni Castro.
Sa ulat, patuloy na viral sa social media ang pagharang ng tatlong kawani ng OTS sa isang 69-anyos na babaeng pasahero dahil sa nadiskubreng umanong bala na anting-anting sa kanyang bitbit na bag noong ika-6 ng Marso.
Patungo sa Vietnam ang babae kasama ang kanyang pamilya nang maganap ang insidente.
Sa kumakalat na video maririnig ang babae na nagmamakaawa dahil sa takot na maiwan ng sasakyang eroplano, ngunit ipinagpilitan na masuri ang kanyang handbag.
Walang nakitang anting-anting na gawa sa bala ng baril. Kris Jose