Home NATIONWIDE Tapat na paglilingkod sa bayan, pagpaparangal sa mga bayaning Pilipino – Gatchalian,...

Tapat na paglilingkod sa bayan, pagpaparangal sa mga bayaning Pilipino – Gatchalian, Pangilinan

1
0

MANILA, Philippines — Nanawagan sina Senate President Sherwin Gatchalian at Senator Francis Pangilinan nitong Lunes na parangalan ang sakripisyo ng mga bayaning Pilipino sa pamamagitan ng tapat na paglilingkod sa bayan at mga simpleng gawaing may tapang at malasakit.

Ipinagdiriwang ng bansa ang National Heroes Day tuwing Agosto 31, isang regular holiday sa ilalim ng Proclamation No. 1006 na inilabas ni President Ferdinand R. Marcos Jr.

Ayon kay Gatchalian, ang pag-alala sa mga lumaban para sa kalayaan, soberanya at demokrasya ng bansa ay dapat magsilbing inspirasyon upang patuloy na bumuo ng mas magandang Pilipinas.

“Magiging mas makabuluhan ang sakripisyo ng ating mga bayani kung bawat isa sa atin ay maglilingkod sa pamilya, komunidad, at bayan nang may integridad, katapatan, at malasakit,” saad ni Gatchalian.

Hinimok din niya ang mga Pilipino na pangalagaan ang kaban ng bayan at tiyaking maayos at tapat ang pagpapatupad ng mga programa ng gobyerno, lalo na sa gitna ng mga problema tulad ng pagbaha, korapsyon, problema sa kalidad ng edukasyon at mataas na presyo ng pagkain at kuryente.

“Sa gitna ng mga problemang kinakaharap ng bansa — tulad ng pagbaha, korapsyon sa gobyerno, mga hamon sa kalidad ng edukasyon, at mataas na presyo ng pagkain at kuryente — sama-sama nating pangalagaan ang kaban ng bayan at tiyaking bawat programa ng pamahalaan ay maayos, tapat, at tunay na nagsisilbi sa bawat pamilyang Pilipino,” aniya.

Samantala, sinabi ni Pangilinan na hindi lamang mga kilalang personalidad sa kasaysayan ang maituturing na bayani. Kabilang din dito ang mga ordinaryong Pilipinong nagsasakripisyo para sa kanilang pamilya, komunidad at bansa.

Kabilang sa kanyang binanggit ang mga overseas Filipino worker, magulang, environmental defenders, magsasaka, mangingisda, truth-tellers at mga testigong naninindigan para sa accountability kahit nahaharap sa banta o pagtatangkang suhulan.

“‘Yan ang bayaning Pilipino: Hindi nagpapasiil sa hamon ng buhay,” ani Pangilinan.

Kinilala rin niya ang mga kapitbahay, rider, social worker, health professional at disaster-response volunteer na tumulong sa mga naapektuhan ng pagbaha nitong mga nakaraang linggo sa pamamagitan ng paghahatid ng pagkain, gamot at iba pang tulong.

Sa kanyang mensahe para sa National Heroes Day, sinabi rin ni President Marcos na dapat parangalan hindi lamang ang mga bayani sa kasaysayan kundi pati ang mga Pilipinong patuloy na naglilingkod sa bansa sa kanilang pang-araw-araw na buhay. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here