Home NATIONWIDE Tapyas-budget ng DMW inalmahan ng solon

Tapyas-budget ng DMW inalmahan ng solon

MANILA, Philippines – Nababahala si OFW Partylist Rep Marissa Magsino sa malaking bawas sa 2025 budget ng Department of Migrant Workers (DMW).

Sa kanyang interpelasyon sa budget deliberation ng DMW ay inalmahan ni Magsino ang pagbaba ng budhet ng ahensya sa kabila ng pagtaas ng mga Overseas Filipino Workers na deployed sa ibang bansa.

Sinabi ni Magsino na noong 2023 ay P5 bilyong pondo ang ibinigay sa DMW, noong 2024 ay ginawang P7.52 bilyon subalit ngayong 2025ay P5.09 bilyon pondo ang inilalaan sa ahensya na nasa 32.4% na pagbaba.

“Nakakalungkot isipin na sa halip na mas palakasin pa ang DMW upang matugunan ang lumalaking bilang ng mga OFW na nade-deploy sa iba’t ibang panig ng mundo, mukhang pinapahina pa ito sa pamamagitan ng malaking bawas sa budget.Patuloy ang pagdami ng ating mga kababayan na nangingibang-bansa upang magtrabaho at kasabay ng pagtaas ng bilang na ito ay pagtaas din ng pangangailangan para sa suporta at proteksyon mula sa ating pamahalaan,” paliwanag ni Magsino.

Sinabi ni Magsino na dahil sa budget cut ay tiyak na maraming serbisyo at programa ng DMW ang maapektuhan, una na dito ang pangangailangan ng pagtatayo ng mga Migrant Workers Offices (MWOs) sa mga foreign posts.

Aniya, malaki ang pangangailangan na magkaroon ng MWO para matugunan ang pangangailangan ng mga OFWs.

Ibinahagi ng solon ang kanyang obserbasyon sa naging pagbisita niya sa mga host countries tulad ng Singapore, Saudi Arabia, at UAE na kulang ang manpower sa mga MWO gayong daan-daang libo ang mhga OFW.

“Sa Singapore mayroon lamang silang apat na plantilla items at pitong local hires para sa halos 200,000 na OFWs. Ang manpower ratio ng MWO staff sa ating mga OFW ay 1:18,000. Kung ganito kaunti ang mga plantilla items na bibinigay sa DMW para gampanan ang kanilang tungkulin para sa ating mga OFW, kabilang na ang Assistance to National functions, talagang mapipilay ang DMW sa pagtalima sa kanilang mandato ” ani Magsino.

Kasabay nito, umapela si Magsino sa Kongreso bna pagtuunan ng pansin ang pangangailangan ng mga OFW at tiyakin ang sapat na pondo ng Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

“nananawagan ako sa Kongreso na dagdagan pa ang pondo ng DMW. Ang karagdagang pondo ay simbolo ng ating suporta sa mahigit 6 na milyong OFWs. Ito ay maliit na halaga kumpara sa 37.2 bilyong US dollars o halos 2.75 trillion pesos na kanilang kontribusyon sa ating ekonomiya” giit pa nito.

Iginiit ng solon na ang higit na kailangan ng mga OFW ay financial at legal assistance, repatriation, at suporta sa kanilang mga pamilya. Gail Mendoza