MANILA, Philippines – Asahan ng mga motorista ang magkakahalong galaw sa presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo, ayon sa Department of Energy (DOE).
Batay sa international trading nitong nakalipas na apat na araw, sinabi ni DOE-Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero na posibleng bumaba ng humigit-kumulang ₱0.80 kada litro ang gasolina, habang tataas naman ng ₱0.05 ang diesel at ₱0.40 ang kerosene.
“These estimates do not yet include business expenses and related costs,” ani Romero. Ipinaliwanag niyang apektado ang presyo ng tensiyon sa pandaigdigang merkado dahil sa panawagan ng US sa Europa na tigilan ang pagbili ng enerhiya mula Russia, gayundin ng dagdag na suplay matapos ipagpatuloy ng Iraq ang pag-export ng langis sa Turkey.
Ilalabas ang opisyal na adjustments sa Lunes at ipatutupad sa Martes. Nitong linggo, tumaas ang gasolina ng ₱1.00 kada litro, diesel ng ₱0.80, at kerosene ng ₱0.80. RNT