MANILA, Philippines – Nilinaw ng Malacañang na ang anumang pagbawas o pagsuspinde ng excise tax sa petroleum products ay para lamang sa mga bagong import ng fuel at hindi saklaw ang kasalukuyang imbentaryo.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, ang probisyon sa Republic Act No. 12316 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Marso 25 ay para lamang sa mga bagong dating na suplay ng langis.
“Gusto lang nating liwanagin ito. Itong pagpataw or pag-reduce, pagtanggal, pag-suspend ng excise tax, ito po ay para sa bagong parating na bagong supply ng fuel,” ani Castro sa isang panayam sa radyo.
Ipinaliwanag niya na ang excise tax ay ipinapataw sa oras ng pagpasok ng fuel sa bansa, kaya’t hindi ito maaaring ipataw sa kasalukuyang imbentaryo ng mga kumpanya ng langis.
“Hindi ‘yung inventory nila ngayon ‘yung papatawan, ‘yung sabihin na wala nang excise tax. Hindi po. Kung ano lang yung papasok, kasi upon entry iyan. Doon lamang nila mararamdaman kung dapat bang walang excise tax o na-reduce ang excise tax,” aniya.
Ang Republic Act No. 12316 ay nagbibigay sa Pangulo ng emergency powers upang pansamantalang bawasan o isuspinde ang excise tax sa petroleum products bilang tugon sa pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado dahil sa sigalot sa Middle East. Magkakabisa ang batas 15 araw matapos mailathala sa Official Gazette o sa pahayagan.
Wala pa umanong tiyak na pagtataya kung gaano kalaki ang magiging pagbaba ng presyo ng langis dahil nananatiling pabago-bago ang presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado.
“Kailangan lamang nilang i-compute kasi sabi nga natin ang presyo ng krudo is pabago-bago sa ngayon. So, wala pa sa atin binibigay na specific kung paano ito gagawin, kung ilang porsyento ba or what,” ani Castro.
Dagdag niya, maaari lamang gamitin ang emergency powers kung aabot sa USD80 kada bariles ang presyo ng langis sa loob ng 30 magkakasunod na araw.
“Dapat 30 days prior sa pag-announce yung presyo ng fuel ay USD80 per barrel for a month, nang tuloy-tuloy. ‘Pag let’s say biglang bumaba, naging USD79 or USD78, hindi siya agad magagamit. Hindi pwedeng i-reduce o i-suspend yung excise tax kasi bumaba yung presyo ng fuel,” aniya. RNT