MANILA, Philippines – Iginiit ng lokal na pamahalaan ng Tarlac City na hindi sila nakatanggap ng P500,000 mula sa isang Chinese national sa inilathalang larawan ng donasyon nito online noong 2022.
Ang naturang Chinese national na nagbigay umano ng donasyon sa Tarlac City LGU ay pinaghihinalaang spy.
“The P500,000 was supposed to be donated directly to the Department of Education (DepEd) by the donor, but only P100,000 was actually given,” sinabi ni Joselito Castro, legal officer ng Tarlac City sa isang panayam.
Matatandaan na inilabas ng Reuters ang larawan ng umano’y P500,000 na donasyon noong 2022.
Ayon kay Castro, nakatanggap ang DepEd ng P100,000 at na-liquidate ang naturang halaga.
Wala pang kumpirmasyon si DepEd Central Luzon regional director Ronnie Mallari sa naturang pahayag.
Samantala, nitong Miyerkules ay kinumpirma ni Vice Mayor Genaro Mendoza, sa mayor’s request noong August 2023, na pinayagan ng legislative council si Mayor Ma. Cristina Angeles sa pamamagitan ng Resolution No. IX-33-486 na tanggapin ang P200,000 mula sa “Qiaoxing Volunteer Group of the People’s Republic of China” para sa “various projects and programs of the city.”
Sinabi sa resolusyon na layon ng donasyon na
“promote mutual support and cooperation as well as peace and friendship with the City Government of Tarlac.”
Ani Castro, ang P200,000 ay “so far remained unutilized” dahil sa pagiging isang “insignificant amount.”
Idinagdag naman ni Mendoza na hindi pa nasesertipikahan ng city treasurer kung ang naturang halaga ay nananatiling hindi pa nagagamit.
Nauna nang nanawagan si Mendoza ng “transparency and accountability” mula kay Angeles.
Nilinaw naman ni Castro na ang 15 motorsiklo ay donasyon ng isang “Tarlac-based Filipino-Chinese group.”
Ipinaliwanag niya na ang 10 motorsiklo ay ibinigay direkta sa provincial police office, kung saan ang limang unit naman ay ibinigay sa Tarlac City Police.
Kalaunan ay itinurn-over ng lokal na pamahalaan ang mga motorsiklong ito sa public order and safety office.
Wala pang pahayag si Angeles kaugnay ng naturang usapin.
Nanindigan si Mendoza na mayroong “legal basis” sa pag-oobliga ng authorization mula sa konseho bago maaaring tumanggap ng donasyon ang city mayor ‘in behalf of city government.’
Tinukoy ng vice mayor ang Sections 22 at 455 ng Local Government Code of 1991. RNT/JGC