Home NATIONWIDE 6 patay sa dengue sa Bulacan

6 patay sa dengue sa Bulacan

MANILA, Philippines – Nakapagtala ang probinsya ng Bulacan ng anim na nasawi dahil sa dengue.

Ito ay kasabay ng patuloy na pagtaas sa kaso ng dengue sa naturang probinsya.

Iniulat ng Bulacan Provincial Health Office (PHO) Provincial Epidemiology and Surveillance Unit (Pesu) na ang mga nasawi ay nasa pagitan ng edad 3 at 56 anyos.

Mula Enero 1 hanggang Marso 1, nakapagtala ang probinsya ng 4,114 kaso ng dengue, o 272 percent na pagtaas kumpara sa 1,107 kaso na naitala sa kaparehong panahon noong 2024.

Sa nakalipas na linggo lamang ay tumaas ng 504 ang mga kaso ng dengue, mula sa 3,610 na iniulat sa pagitan ng Marso 1 at Pebrero 22.

Ayon kay Dr. Edwin Tecson, pinuno ng PHO, 180 sa 572 barangay sa Bulacan sa 20 mga bayan at apat na lungsod ang nakapagtala ng “clustering” ng mga kaso ng dengue. Ang mga ito ay ang mga lugar na tuloy-tuloy na nakakapagtala ng mga kaso ng dengue sa loob ng apat na linggo.

Nangunguna rito ang City of San Jose del Monte sa 448 kaso, sinundan ng Santa Maria sa 416, Marilao sa 300, at Lungsod ng Meycauayan sa 296. RNT/JGC