MANILA, Philippines – Nangako ang gobyerno na bumuo ng task force na makikpagtulungan sa United Nations sa pagtugon sa road safety issues sa bansa sa pagbisita sa bansa ni UN Special Envoy for Road Safety Jean Todt.
Ang planong task force ay kabilang ang mga secretaries ng Department of Transportation (DOTr), Department of Health (DOH) , Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Trade and Industry (DTI) at ang Department of Education (DepEd).
Sinabi ni DOTr secretary Jaime Bautista sa press conference ng UN Philippines, ang nasabing task force ay makakatulong na masiguro na ang ibang ahensya ay gagampanan ang mas aktibong papel sa pagpapatupad ng Philippine Road Safety Action Plan 2023-2028 , na naglalayong bawasan ang bilang ng mga road traffic deaths ng 35 percent sa 2028.
Sa pag-aaral ng DOH, sinabi ni Todt na Ang average na 12,000 Filipino ay namamatay kada taon dahil sa aksidente sa kalsada habang libo-libo pa ang sugatan.
Karamihan o 65 porsyiento nito ay sanhi ng road crash o motorcycle riders.
Kaya naman isinusulong ni Todt ang mas mahigpit pang pagpapatupad ng traffic rules partikular sa pagsusuot ng ligtas at matibay na helmets, na sinasabing nakakabawas sa panganib ng pagkamatay ng 42 porsyento at sa mga nasusugatan ng 69 porsyento.
Nais ni Todt na bawat motorsiklo na ibinibenta sa Pilipinas ay magkaroon ng dalawang helmet na pasado sa UN standards.
Sinabi ni Bautista na isa ito sa mga bagay na dapat talakayin para makita kung kailangang amyendahan ang Motorcycle Helmet Act 2009 o karagdagang batas.
Sinabi rin ni Bautista na isa pang gagawin ng task force ay ang mas mahigpit na pagpapatupad ng mga patakaran sa trapiko na nagsasabibg mandatory ang paggamit ng helmet ngunit hindi sinusunod sa maraming lugar sa mga probinsya.
Sumang-ayon din si Bautista na kailangan ng mas magandanf imprastraktura lalo na para sa mga pedestrian. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)