Home HOME BANNER STORY Task force sa LGUs: ‘Wag mag-alinlangang magkansela ng klase sa sobrang init

Task force sa LGUs: ‘Wag mag-alinlangang magkansela ng klase sa sobrang init

MANILA, Philippines – Hinimok ng Task Force El Niño ang local government units (LGUs) na isaalang-alang ang suspensiyon ng in-person classes sa gitna ng posibleng epekto ng pagtaas ng temperatura, lalo na sa mga mag-aaral.

Sa briefing ng Bagong Pilipinas Ngayon nitong Lunes, Abril 1, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Assistant Secretary at Task Force El Niño spokesperson Joey Villarama na maaaring gamitin ng mga LGU ang kanilang awtoridad na suspindihin ang face-to-face (F2F) na pag-aaral.

“Kung kayo po ay nakaka-experience ng extreme heat sa inyong lokalidad, nasa inyo po ang kapangyarihan para i-shift ang inyong face-to-face classes to online classes,” aniya.

Binigyang-diin ni Villarama na hindi lamang dapat isaalang-alang ng mga LGU ang “convenience” kundi maging ang mga masasamang epekto ng pagtaas ng temperatura sa mga mag-aaral at guro.

“Kung hindi po talaga viable at hindi na po talagang advisable na tumungo pa sa mga classroom ang ating mga kabataan, pati ang ating mga teacher, ay mag-shift na po tayo sa mga online na klase,” dagdag pa niya.

Sa bahay, ang mga mag-aaral ay dapat ding magkaroon ng access sa sapat na malinis na inuming tubig at manatili sa isang well-ventilated na lugar, dagdag niya.

Samantala, sinabi ni Department of Education (DepEd) Assistant Secretary Francis Bringas na ang mga mag-aaral at guro ay may opsyon na magsuot ng mas komportableng damit sa loob ng school premises na napapailalim sa dress codes.

Nauna nang binanggit ng DepEd na may awtoridad din ang mga school head na magdeklara ng suspensiyon ng klase, bukod sa LGUs.

Nitong Lunes, iniulat ng DepEd ang 13 lugar sa apat na rehiyon na nagsuspinde ng mga personal na klase mula preschool hanggang senior high school, kapwa sa pampubliko at pribadong paaralan dahil sa mainit na temperatura. Santi Celario

Previous articleReal Property Valuation Reform bill malapit nang maisabatas – solon
Next articleSuplay ng kuryente sapat pa – DOE