MAGUINDANAO DEL NORTE- PATAY ang isang lalaki matapos ataduhin ng saksak ng sariling ama makaraan magtalo ang mga ito dahil sa damit ng ama na sinuot ng anak, iniulat kahapon sa bayan ng Datu Odin Sinsuat.
Kinilala ang nasawi na si Neji Manggalion Julio, 28-anyos habang nadakip naman ang suspek at ama nitong si Julito, kapwa residente ng Barangay Kusiong, ng nasabing bayan.
Batay sa report ng sa Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station, naganap ang krimen noong Martes, September 24, 2024 habang nag-iinuman ang mag-ama sa kanilang bahay.
Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya, nagkaroon ng pagtatalo ang mag-ama makaraan isuot ng batang Julio ang damit ng kanyang ama sa kabila ng hindi pagpayag nito.
Dahil dito, nagkaroon ng pagtatalo ang mag-ama hanggang sa kumuha ng kutsilyo ang suspek at pinagsasaksak ang anak sa katawan.
Isinugod naman sa ospital ang anak para lapatan ng lunas subalit makalipas ang 2-araw ay nalagutan din ito ng hininga.
Nahaharap ngayon sa kasong parricide ang suspek./Mary Anne Sapico