Home OPINION TATLONG DIETARY SUPPLEMENTS, WALANG FDA  CERTIFICATE OF REGISTRATION

TATLONG DIETARY SUPPLEMENTS, WALANG FDA  CERTIFICATE OF REGISTRATION

NAGBIBIGAY ng babala ang FDA o Food and Drug Administration sa posibleng masamang epekto ng paggamit sa tatlong dietary supplements na Vitabears Flawless Glow, Vitabears Skin Vitamins, at Vitabears Sleep Vitamin na wala pang pag-apruba mula sa ahensya.
Ayon sa FDA Advisories 2024-0759, 2024-0760, at 2024-0761, lahat may petsang May 9, 2024, ang mga nabanggit na brands ay hindi rehistrado sa FDA at walang kaukulang CPR o certificate of product registration.
Nagsagawa ng kaukulang online monitoring at post marke­ting surveillance ang ahensiya. Dahil hindi dumaan sa pagsusuri ng FDA, hindi sila sigurado sa kalidad at kaligtasan ng mga nasabing produkto.
Nakasaad sa Republic Act No. 9711 o ang FDA Act na ang pag-manufacture, importasyon, exportation, pagbebenta, distribusyon, paglilipat, non-consumer use, promosyon, adverti­sing, sponsorship ng mga health product ay mahigpit na ipinagbabawal.
Ibinebenta ang mga nabanggit na produkto online at inirerekomenda pa ng mga social media influencer na may malaking tagasubaybay sa kanilang platform.
Ang presyo ng produkto na nakasaad sa social media account nito ay Php499.00 hindi pa kasama ang mark-up price ng mga reseller.
Inatasan ng FDA ang law enforcement agencies at local go­vernment units na tiyakin na hindi na ibinebenta pa ang produkto sa kani-kanilang hurisdiksyon. Nakiusap din ito sa Bureau of Customs na itigil ang pagpasok sa bansa ng mga hindi rehistradong produkto.
Pinagsabihan ng FDA ang lahat ng mga establisimyento na huwag ipakalat, ianunsyo at ibenta ang naturang produkto hanggang walang nailalabas na Certificate of Product Registration para rito o kung hindi “regulatory actions and sanctions shall be strictly pursued,” babala ng FDA.
Hinikayat din ang lahat ng mga lokal na pamahalaan at ahensya na nagpapatupad ng batas na tiyakin na hindi naibebenta sa kanilang nasasakupan ang naturang produkto.
Dalawa naman sa produkto ng Vitabears Incorporated ang may CPR, ang Vitabears Fat Buster at Vitabears Detox Vitamins na hanggang 2025 pa. Ayon sa impormasyon, ang mga Vitabears ay mula sa South Korea.