MIDDLE EAST — Hindi bababa sa tatlong oil tanker ang napinsala sa Gulf coast matapos ang pag-atake ng US at Israel sa Iran na sinundan ng ganting aksyon ng Tehran, ayon sa mga shipping source at opisyal.
Dahil sa tumitinding tensyon, mahigit 200 sasakyang pandagat kabilang ang mga oil at liquefied gas tanker ang naghulog ng angkla sa paligid ng Strait of Hormuz at karatig na karagatan.
Inihayag ng Iran na isinara nito ang nabigasyon sa naturang mahalagang daluyan na dinaraanan ng malaking bahagi ng suplay ng langis sa mundo.
“The US-Israeli attack on Iran dramatically increases the security risk to ships operating in the Persian Gulf and adjacent waters,” sinabi ni Jakob Larsen, chief safety at security officer ng shipping association na BIMCO.
“Ships with business connections to US or Israeli interests are more likely to be targeted, but other ships may also be targeted deliberately or in error.”
Isang Palau-flagged oil tanker na nasa ilalim ng US sanctions ang tinamaan malapit sa Musandam peninsula ng Oman, na ikinasugat ng apat na katao, ayon sa maritime security center ng Oman.
Tinamaan din ng projectile ang Marshall Islands-flagged crude oil tanker MKD VYOM habang naglalayag may kargang langis, 44 nautical miles hilagang-kanluran ng Muscat.
Isang merchant vessel din ang nag-ulat ng pagsabog sa kaparehong lokasyon, ayon sa UK Maritime Trade Operations.
Sa United Arab Emirates, muntik nang tamaan ang isang tanker sa Jebel Ali port dahil sa bumagsak na debris mula sa aerial interception kasunod ng overnight Iranian attacks. Isa pang oil-bunkering tanker ang naiulat na napinsala sa baybayin ng UAE.
Nagbabala ang US Maritime Administration na umiwas muna ang mga barko sa Strait of Hormuz at Gulf of Oman dahil sa panganib ng retaliatory strikes at posibleng paglalatag ng naval mines.
Pinayuhan din ang mga US-flagged vessel na lumayo ng hindi bababa sa 30 nautical miles mula sa US military ships upang maiwasang mapagkamalang banta.
Inaasahan namang tataas ng 25% hanggang 50% ang war risk insurance rates para sa mga barkong dadaan sa Gulf, ayon sa insurance broker na Marsh.
Nauna nang inilista ng Lloyd’s of London ang Iran, Gulf at ilang bahagi ng Gulf of Oman bilang high-risk areas. RNT/JGC