Home NATIONWIDE Tax breaks sa publiko, iginiit sa gitna ng Middle East crisis

Tax breaks sa publiko, iginiit sa gitna ng Middle East crisis

202
0

MANILA, Philippines – Matapang na kumilos si Senadora Loren Legarda sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa bansa, kung saan umakyat ang diesel ng ₱17 hanggang ₱24 kada litro at gasolina ng ₱7 hanggang ₱13 kada litro ngayong linggo.

Sa pahayag, sinabi ni Legarda na ang walang humpay na pagtaas, sanhi ng tensyon sa Gitnang Silangan at pagkaantala ng pandaigdigang suplay, na nagdudulot ng mas matinding implasyon at mabigat na pasanin sa pamilyang Pilipino, tsuper, at maliliit na negosyo.

Hindi tulad ng ibang panukala na nakatuon lamang sa suspensyon ng excise tax, ang Senate Bill No. 1842 ni Legarda, o Fuel Price Relief Act na inihain noong Marso 9, 2026, ay nagtatatag ng Fuel Tax Stabilization Mechanism na nagbibigay kapangyarihan sa Pangulo na suspindihin o bawasan ang parehong excise at value-added tax (VAT) sa produktong petrolyo—o pagsamahin ang dalawang hakbang upang makamit ang pinakaangkop na pagbabago sa presyo.

Layunin nitong patatagin ang presyo ng langis habang pinapaliit ang epekto sa kita ng pamahalaan, aniya.

“This measure is a moral imperative. We cannot allow Filipino families, farmers, fisherfolk, and public utility drivers to bear the heaviest burden of global crises. By temporarily lifting fuel taxes during extraordinary price surges, we provide swift relief and protect our people’s right to affordable necessities,” saad ni Legarda.

Binibigyan ng panukala ang Pangulo, sa rekomendasyon ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) at konsultasyon sa Department of Energy (DOE), ng kapangyarihang suspindihin o bawasan ang excise at VAT sa regular gasoline, unleaded premium gasoline, diesel fuel oil, kerosene, at liquefied petroleum gas (LPG).

Maaaring tumagal ng hanggang siyamnapung araw ang suspensyon o pagbabawas, at maaaring palawigin ng karagdagang siyamnapung araw kung magpapatuloy ang kondisyon. Awtomatikong matatapos ang tulong kapag bumaba ang presyo ng krudo sa ibaba ng itinakdang threshold sa loob ng tatlumpung magkakasunod na araw.

Upang matiyak ang transparency, inaatasan ang DBCC at DOE na magsumite ng buwanang ulat sa Kongreso at maglathala ng mga update online hinggil sa pandaigdigang presyo ng langis at epekto sa kita ng pamahalaan ng anumang suspensyon o pagbabawas.

Kailangan ding magsagawa ng biennial review sa USD 80 threshold, na maaaring baguhin ng hanggang sampung porsyento, alinsunod sa pampublikong konsultasyon kasama ang mga stakeholder mula sa transportasyon, agrikultura, at industriya.

Ipinagbabawal din ng panukala ang hoarding, profiteering, cartelization, at iba pang anyo ng manipulasyon sa merkado ng petrolyo. Sa koordinasyon ng Department of Trade and Industry, Bureau of Customs, at Philippine Competition Commission, babantayan ng DOE ang suplay at presyo upang maprotektahan ang mga mamimili.

“Ang mga lalabag ay haharap sa administratibo, sibil, at kriminal na parusa alinsunod sa umiiral na batas,” ani Legarda.

Binigyang-diin ni Legarda na ang panukala ay nagtataguyod ng balanse sa pagitan ng fiscal responsibility at agarang proteksyon sa lipunan.

“By establishing a clear trigger for the temporary suspension or reduction of fuel taxes, this measure ensures relief when warranted by prevailing economic conditions,” pahayag ni Legarda.

Nanawagan si Legarda sa kanyang mga kasamahan sa Kongreso na kumilos nang walang pagkaantala, kasabay ng pagbibigay babala na bawat araw ng kawalan ng aksyon ay dagdag na pasanin sa mga mananakay, magsasaka, mangingisda, at karaniwang pamilya.

Iginiit niya na ang Fuel Price Relief Act ay idinisenyo upang protektahan ang buhay at kabuhayan, at matiyak na hindi pasanin ng mga Pilipino ang mga krisis na lampas sa kanilang kontrol. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here