Home METRO Team Aguilar naghain ng kanilang kandidatura sa Comelec bilang mayor, vice mayor...

Team Aguilar naghain ng kanilang kandidatura sa Comelec bilang mayor, vice mayor ng Las Pinas

Larawan kuha ni Jimmy Hao

MANILA, Philippines – Pinangunahan ni Las Pinas City Mayor Imelda ‘Mel’ Aguilar kabilang ang #TatakNeneAguilar team ang paghahain ng kani-kanilang certificate of candidacy (COC) sa lokal na tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa lungsod Lunes ng umaga, Oktubre 7.

Makaraang makumpleto ni Aguilar ang kanyang tatlong termino bilang punong ehekutibo ng lungsod ay tatakbo ito bilang bise alkalde na hinawakang posisyon ng kanyang anak na si Vice-Mayor April Aguilar na siya namang tatakbo bilang alkalde ng lungsod upang maipagpatuloy ang programang “Para Tuloy ang Tapat na Progresibong Serbisyo”.

Ang legasiya ng namayapang dating Mayor Vergel “Nene” Aguilar na pagbibigay serbisyo sa mga residente partikular sa larangan ng edukasyon at serbisyo medikal ang ipagpapatuloy ng mga miyembro ng #TatakNeneAguilar team kung sakaling palarin na maluklok sa kani-kanilang posisyon sa darating na midterm elections.

Ang paghahain ng kandidatura ng #TatakNeneAguilar team ay sinuportahan ng daan-daang residente na naniniwala na mapananatili at maipagpapatuloy ng grupo ang pagiging progresibo ng lungsod sa pamamagitan ng mag-inang Aguilar.

Sa mga nakaraang taon na lumipas ay napanatili ng mag-inang mayor at vice-mayor ang serbisyo sa pagbibigay ng “green card”, isang hospitalization program, na sinimulan ni dating Mayor Nene Aguilar kung saan malaking tulong ito sa mga residente sa pagbabayad ng kanilang mga bayarin sa ospital.

Matatandaan na ipinagpatuloy ni Vice-Mayor Aguilar ang pagsasaayos ng serbisyong pangkalusugan sa lungsod sa pamamagitan ng pag-angkat ng mobile X-Ray van at pagtatayo ng Laboratory and Diagnostic Centers sa District 1 at 2.

Sa larangan naman ng edukasyon ay nagdagdag naman si Mayor Aguilar ng College of Engineering sa lokal na kolehiyo sa lungsod na makapagpapa-aral ng 4,000 iskolar.

Kasabay nito ay nais din ng mag-inang alkalde at bise alkalde ang pagpapalawak ng serbisyo sa mga senior citizens ng Las Piñas kung saan ang ilan dito ay ang libreng cataract removal at free diagnostic gayundin ang laboratory tests.

Ipinangako rin ng #TatakNeneAguilar team na kanilang ipagpapatuloy ang pagiging ligtas ng paninirahan sa lungsod para sa mga Las Pineros.

Bukod kina Mayor at Vice-Mayor Aguilar, kasama rin nilang maghain ng kandidatura ang #TatakNeneAguilar team na mga tatakbo bilang konsehal ng lungsod.

Ang mga tatakbong konsehal sa District I ay sina councilor Brian Bayog, Zardi Abellera, Robert Cristobal, Alelee Aguilar, Mac-Mac Santos at Marlon Rosales.

Nanguna naman si incumbent Councilor Henry Medina sa paghahain ng kandidatura bilang konsehal sa District II ng lungsod kabilang sina Tito Martinez, Macky Saito, Lester Aranda, Euan Toralballa at Luigi Casimiro. James I. Catapusan